At dapat mag-cooperate itong si Abalos dahil hindi ba yan ang ipinaglalaban nila sa EDSA noong Enero? Pag nagkataon kasi, daldal sila nang daldal ng pagbabago eh makaluma rin ang estilo nila para mapanatili sa puwesto, ano ang sasabihin ng kampo ng pinatalsik na Presidente Estrada ngayon niyan. Wala rin palang pagbabago di ba?
Ayon sa ulat ni Domingo, ang mga private army ni Abalos ay yong taga-Public Order and Safety (POS), Mayors Action Command (MAC) at anti-vice unit ng pulisya. Maliban sa hepe ng anti-vice unit, mga sibilyan ang mga ito at marami sa kanila ay may armas. Ano ba yan?
Ang mga hepe ng tatlong unit, isa rito si SPO1 Felipe Lim Jr., ay tahasang nagsasabi na walang makapagpigil sa kanya dahil direkta siya kay Abalos.
Hindi pinapansin ni Lim at ng POS at MAC itong si Supt. Jose Gentiles, hepe ng pulisya ng Mandaluyong. Kayo diyan sa Mandaluyong City, huwag nyong sisihin si Gentiles kung nagkawindang-windang ang peace and order sa siyudad nyo. Ibaling nyo ang inyong galit kay Abalos at sa kanyang mga private army.
Pero dahil sa pulitika ngayon, sinabi ni Abalos, ayon sa report, na ang tatlong unit ay nasa supervision ni Gentiles. Paano nangyari yon eh hindi naman nakikitang nagre-report ang mga hepe ng tatlong unit kay Gentiles? Naghuhugas-kamay lang ba si Abalos sa isyung ito? Itong mga private army ni Abalos ay wala namang ginawa para masugpo ang krimen sa kanyang siyudad.
Ayon kay Domingo, ang alam lamang ng mga ito ay ang dumaan sa mga palengke roon, mang-arbor ng gulay, isda at karne na siya namang ulam ng kani-kanilang hepe tuwing kainan. Aba ang bigat ng bintang na ito ah? Ang tatlong unit ay patong din umano sa mga ilegal sa siyudad at mukhang may blessings ito ni Abalos, anang kampo ni Domingo.
Ang pinakamatindi sa kanila at patuloy na naglinis-linisan ay itong si SPO1 Lim. Palihim kung tumanggap ng buwanang intelihensiya itong si Lim at ang lahat ng hindi bumibigay sa hilig nya ay kawawa sa harassment. Kung sabagay may hangganan din ang pagmamalabis nitong si Lim dahil may nagmamatyag na sa lahat ng kanyang gawain. Kaya naman mayabang na nagdadala ng kani-kanilang armas itong mga private army ni Abalos dahil protektado sila ng mafia diyan sa City Hall na pinangungunahan ng isang dating konsehal?