Kahit tumatalsik ang laway sa galit na ipinasisigaw ni Mendoza na ipapasara niya ang jueteng at iba pang mga sugal sa bansa, mukhang hindi apektado sina Adriano at ang kanyang mga amo na magkapatid na Vic at Alex Yu. Ang Yu brothers, para sa kaalaman ni Mendoza ay mga alipores ng kaibigan ng napatalsik na Presidenteng Joseph Estrada na si Charlie Atong Ang. Kung walang binatbat itong si Mendoza laban sa puwersa, makinarya at padrino nitong si Adriano, itong Task Force Jericho ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni Supt. Raul Castañeda, ay may ibubuga kaya?
Natunghayan ko ang service record nitong si Castañeda at wala akong masilip na problema. Pero sa pagkaalam ko, kung laban sa kriminal, itong si Castañeda ay mabagsik at mabangis pero kung si Adriano kaya at ang salapi niya ang kanyang makakaharap baka tumiklop siya. Kung sabagay, itong kautusan ni Mendoza laban kay Adriano ay mula rin kay Interior Secretary Joey Lina kayat baka doon na mismo galing sa opisina ng dating Laguna governor ang posas kung bakit hindi magalaw-galaw itong bookies king ng Metro Manila.
Sa bahay kasi ni Adriano sa Makati City at San Andres, Manila pinapadala ang lahat ng panabla ng mga kabo ng jai alai sa Metro Manila. Sa pagmani-obra ng Yu bro-thers, dinadaya nila ang labas ng winning combination ng jai alai sa fronton nito sa Maynila. Pilyo rin itong si Adriano. Para wala na siyang iisipin pa, itinaas niya ang porsiyento sa kanyang laban para nga hindi na siya magbibigay ng intelihensiya. Kayat maraming units ng pulisya tulad nina Gaton at Rey ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang humahabol ngayon kay Adriano.
Teka nga di ba abot langit din ang sigaw ni Chief Supt. Nestor Gualberto ng PNP CIDG na wala silang operasyon laban sa illegal gambling. Bakit nag-iikot sina Rey at Gaton. Gen. Gualberto, Sir?
At habang pangiti-ngiti itong si Adriano at Yu brothers sa sabungan, hindi rin sila pinapansin ni Supt. Ric Dapat, ng CIDG National Capital Region (NCR).