Dalawang taon nang bihag ng mga NPA si Martin at ganito na rin katagal ang paghihirap ng kanyang asawang si Nenita at inang may-sakit. Pagkaraang bihagin si Martin noong November 1999, namatay naman umano ang kaisa-isa nitong anak dahil sa leukemia. Kamakailan lamang, namatay din ang ama ni Martin. Sunud-sunod na trahedya ng buhay ang dumaan at ngayon nga’y si Martin naman ang iniiyakan dahil sa walang kakuwenta-kuwentang kamatayang dulot ng pagtutunggali ng iisang lahing may kanya-kanyang ipinaglalaban at ideolohiya.
Bukod kay Martin, kasalukuyan pa ring hawak ng mga NPA ang isa pang sundalo na nakilalang si Major Noel Buan na binihag din noong 1999. Katulad ng asawa ng napatay na si Martin, ang asawa naman ni Buan ay matagal nang nag-aalaga ng pangamba sa maaaring kasapitan nito kung magpapatuloy ang labanan ng magkabilang panig. Maaaring maipit ang kanyang asawa.
Dapat nang matapos ang walang kakuwenta-kuwentang paglalabanan upang maiwasan ang pagdanak ng dugo at pagkaubos ng buhay. Kailangang madaliin na ang pag-uusap sa kapayapaan upang ang sinapit ni Martin ay hindi na maulit kay Buan. Dapat nang maging seryoso ang bawat isa at hindi nararapat sa pagkakataong ito ang traiduran.
Inilalatag na ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang dadaanan para sa kapayapaan. Sinuspinde na niya ang SOMO (suspension of military offensive) simula sa Lunes. Ano pa ang hinihintay ng kabilang panig? Dapat magising na ang national Democratic Front sa pamumuno ni Jose Ma. Sison at pag-aralan ang pakikipag-usap sa kapayapaan upang matigil na ang labanan. Dapat nang matapos ang labanan na wala namang naidudulot na kabutihan kundi ang pagkasira at pagkakawatak-watak ng bayan. Tama na ang nasayang na buhay ni Inspector Martin at hindi na ito dapat madagdagan pa.