Lalong gumulo ang kontrobersiya nang tanggalin si Wong sa kanyang tungkulin sa halip na ang kanyang mga inakusahan sa pamumuno ni Marines General Ladia. Paano nangyari ito? Hindi lang ito. Sangkot din sa isang eskandalo ang paboritong general ni GM na si Marines Lt. Gen. Edgardo Espinosa. Sa madaling salita, labu-labo na ang mga kasong kinasasangkutan ng mga heneral na ito na pinamamagitan naman ni AFP Chief of Staff Angelo Reyes.
Ngunit parang magic na unti-unting nawawala ang sigalot na ito. Wala na akong naririnig na putakan ngayon tungkol sa diumanong anomalyang bilihan ng mga supplies sa marines na unang ibinulgar ni Wong. Hindi maganda ang katahimikang ito. Dapat na hindi itago ang imbestigasyon at kasuhan kaagad ang may mga kinalaman dito lalo nat pati si General Reyes ay napabalitang may mga nalalaman tungkol sa umanong katiwalian sa marines.
Ayon sa mga balita, reregaluhan ni GMA sina Wong, Espinosa at pati na si Angelo Reyes ng mga karaniwan nang mga pinag-aagawang posisyon sa pamahalaan. Si Wong ay itatalaga bilang isang ambassador. Si Espinosa naman ay bilang pinuno ng MECO sa Taipei. Si Reyes naman ay iluluklok bilang Secretary of National Defense.
Pinipilit kong unawain kung bakit ganoon na lamang ang ginagawang paghimas ni GMA sa mga general ng AFP. Malaki ang nagawa ng military sa pagkakaluklok sa kanya bilang kapalit ni Erap. Harinawang hindi abusuhin ng mga tauhan ng military ang ipinakikitang pagkiling na ito sa kanila ni GMA.