EDITORYAL - People Power 3 bakit hindi?

Ginunita kahapon ang ika-15 taong anibersaryo ng People Power revolution noong 1986 na nagpalayas kay dating diktador Ferdinand Marcos. Sa aming pananaw, bigo ang People Power 1 dahil wala pang nakakamit na hustisya ang taumbayan sa mga kasalanan ni Marcos. Ang People Power 2 na naganap naman noong January 16-20 na nagpalayas kay President Estrada ay hindi malayong maging katulad ng nangyari sa unang People Power. Maaaring wala ring mangyari sa katatapos na paghihirap sa EDSA at makalusot din sa batas si Estrada gaya ng mga Marcos. Hanggang sa kasalukuyan, ipinipilit pa ni Estrada na siya pa rin ang Presidente na isang malaking kahangalan. Marami nang bansa ang kumilala kay President Gloria Macapagal-Arroyo subalit ayaw tanggapin ni Estrada ang katotohanan. Ayaw niyang dumilat.

May paniwala kaming ang kakatwang ikinikilos ni Estrada ay bahagi lamang sa mga serye ng kanyang gagawing panggugulo kahit na sinabi niyang hindi niya ito gagawin. Marami nang sinabi si Estrada na taliwas sa kanyang ginawa. Pabigla-bigla siya kung magdesisyon at hindi na iniisip. At ang ganito ay mapanganib na hindi dapat ipagwalambahala ng kasalukuyang administrasyon. Hanggang maaga at sariwa pa, dapat nang maisilbi ang parusa kay Estrada.

Patung-patong ang mga nakasampang kaso kay Estrada at habang nagdaraan ang mga araw ay nadadagdagan pa. Ang masaklap, wala pa ngang nangyayari kahit tambak na ang mga nakasampang kaso. Hindi lamang si Estrada ang lumilitaw na nagpasasa sa yaman kundi pati na rin ang kanyang asawang si dating First Lady Loi Ejercito na umano’y tumanggap ng milyong piso mula kay Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson.

Marami ang nagsasabing ayaw na nilang magkaroon pa ng panibagong People Power revolution. Tama na. Pero sa takbo ng pangyayari, posibleng magkaroon ng People Power 3 dahil sa patuloy na pamamayagpag ni Estrada. Maaaring dumagsa uli ang taumbayan sa EDSA upang isigaw na dapat nang pagbayarin si Estrada sa kanyang mga kasalanan. Hanggang sa kasalukuyan, umiiskor pa si Estrada sa Supreme Court at tila walang palatandaan na madali siyang madadala sa Quezon City jail gaya nang mga naiulat noong nakaraang linggo.

Naghihintay ang taumbayan sa resulta ng ipinaglaban sa EDSA at sila’y madaling mainip. Baka kung hindi maisilbi ang kaparusahan ay baka sa EDSA uli humantong ang lahat. Baka maging madugo na. Kawawa ang bansa na nalugmok sa hirap dahil sa kagagawan ng isang pinuno.

Show comments