Kinidnap noong January 15 ang Greek shipping executive na si Felippo Orfanos, 62. Patungo umano si Orfanos sa opisina nito sa OBSM Shipping Lines sa United Nations, Maynila dakong alas-6:30 ng umaga nang harangin ng mga kalalakihang nakasakay sa isang Tamaraw FX na may plate number PYP 126. Sapilitang isinakay si Orfanos.
Kamakalawa’y natagpuan na si Orfanos subalit bangkay na. Naaagnas na ito nang matagpuan sa madamong lugar sa Bgy. Maybakal, Morong, Rizal. May tama ito ng bala. Hinihinala ng pulisya na hindi naibigay ng pamilya ni Orfanos ang hinihinging P5-million ransom ng mga kidnaper kaya ito pinatay. Si Orfanos ang unang foreigner na kinidnap ngayong taong ito. Isa sa mga kidnaper umano ang hawak na ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Wala na ring takot ang mga holdaper at kahit na ang mga convenient store ay hindi na pinatatawad. Kamakaila’y nilimas ng mga holdaper ang isang convenient store sa España St. at ang matindi’y binaril pa hanggang sa mapatay ang security guard dito. Hindi na nangingimi ang mga holdaper kahit na ang hoholdapin ay malapit lamang sa mga presinto ng pulis. Isang katotohanang, hindi na nila kinatatakutan ang mga pulis sapagkat natutulog ang mga ito sa puwesto. Dalawang banko na rin ang hinoldap at hindi pa nalulutas.
Isang halimbawa ng pangingidnap na hindi pa nalulutas ay ang kay PR man Salvador "Bubby" Dacer. Kinidnap ito noong November subalit nangangapa pa ang NBI at ang PNP sa kasalukuyan.
Hinahangad ng taumbayan na malipol na ang mga kidnaper, holdaper at iba pang masasamang-loob subalit tila ang pangarap na ito’y hindi maaabot dahil sa makupad na pagkilos ng mga awtoridad. Ipakita sa mamamayan na hindi kayo tutulug-tulog!