Maraming lumalabas na balita na si GMA ay figurehead lamang ng kasalukuyang gobyerno at ang nagpapatakbo nga ay si FVR, na isa sa mga hero ng EDSA People Power 2.
Kaya ko naman nasabing itong pagpili ng hepe ng Cavite ang magbibigay kasagutan sa aking tanong dahil magkasalungat ang itinutulak na manok nina FVR at GMA. Kung sino ang mananalo rito, walang duda na siya na nga ang nagpapatakbo ng gobyerno natin.
Ang dalawang opisyal ng pulisya na pinagpilian ay sina Supt.Roberto Rosales at Senior Supt. Samuel Pagdilao. Si Rosales ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 78, kung saan si GMA ay honorary member samantalang si Pagdilao naman ay kanyang junior.
Kapwa magaling at bemedalled na opisyal itong sina Rosales at Pagdilao at buwenas itong mga Caviteño dahil sigurado akong kung sino man ang mananalo ay mapabubuti ang peace and order situation ng probinsiya nila.
Nitong mga nagdaang araw, ito palang si FVR ay dumalaw mismo sa White House, ang opisyal na residence ni Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Leandro Mendoza sa Camp Crame, at personal na inindorso si Pagdilao.
Sa pagkaalam ko, inihayag din ni Mendoza kay FVR na tumawag sa kanya si GMA para naman magpalabas din siya ng order na italaga itong si Rosales sa Cavite. Mukhang si Mendoza ang hilong-talilong sa sitwasyon ngayon.
Maaring ang rason ni FVR para itatalaga si Pagdilao sa Cavite ay para hindi maulit ang pagbokya sa kanya sa isang convention roon noong 1992 bago siya manalo sa pagka-presidente. Ika nga gusto niyang bumawi sa mga nagkautang sa kanya.
Pero itong si GMA ay ganoon din ang nasa utak. Ayaw din niyang danasin ang sinapit ni FVR noong 1992 sa darating na 2004 elections kayat gusto niyang maupo ang kanyang "manok na si Rosales. Parehong may katwiran sina FVR at GMA dito, no?
Marami sa mga nakausap ko ang nagsasabi na si Pagdilao na ang matatalagang hepe ng Cavite dahil nga ang gobyerno sa kasalukuyan ay isang junta at ang grupo nina FVR at iba pang militar ang namamayani. Pero baka naman pagbigyan din nila si GMA sa Cavite para nga maitago ang katotohanan sa madla di ba?