Batay sa report na ito, nakatanggap ng sulat ang dalawa sa Presidente ng banko na pinagre-resign na lang sila. Hindi pumayag sina Vicky at Rolando at humiling na imbestigahan ang kanilang kaso dahil ang mga katiwalian umano ay hindi naman sila ang may kagagawan.
Ngunit nagpumilit ang Presidente na may kasalanan sila at sinabing tanggal na sila sa trabaho. Nagdemanda ng illegal dismissal ang dalawa at hiniling sa labor arbiter na bayaran sila ng backwages at ibalik sa trabaho.
Napatunayan nga ng labor arbiter na ilegal ang pagkakatanggal sa kanila at inutusan ang rural bank na bayaran ang lahat ng backwages nila mula nang silay tanggalin sa trabaho. Ngunit sa halip na ibalik uli sa puwesto, inatasan na lang na bayaran sila ng separation pay na may halagang kalahating buwan bawat taon ng serbisyo.
Umapela ang banko sa NLRC ngunit itoy lampas na sa panahon kaya naging pinal na ang desisyon ng labor arbiter na ilegal nga ang pagpapatalsik sa dalawa. Gayunman, sinabi ng NLRC na ang backwages daw na dapat ibayad sa kanila ay para sa isang taon lamang. Tama ba ang NLRC?
Mali. Sa ilalim ng batas, ang mga empleadong ilegal na natanggal ay dapat bayaran ng lahat ng backwages mula nang silay tanggalin, kasama na ang lahat ng allowance. Itoy hindi limitado lang sa isang taon. Kaya kung mahigit na sa isang taon ang nakalipas mula nang silay ilegal na tinanggal, lahat ng backwages nilay dapat bayaran, kahit pa nga nakakuha na sila ng ibang trabaho samantalang ang kaso nilay nililitis pa. Kailangan din naman nilang maghanapbuhay habang hindi pa tapos ang kanilang kaso.
Tungkol naman sa separation pay, ang halaga nitoy dapat base sa isang buwang suweldo bawat taon ng serbisyo at hindi lamang kalahating buwang suweldo. (Rutaquio et. al., vs. NLRC et. al. G.R. No. 97652-53 October 19, 1999)