Pinutakte ako ng mga tawag sa aking programa sa DZRJ na ang iba ay umaalma sa ginawang desisyon ng Supreme Court. Marami ang hindi makaintindi kung bakit dapat mangyari ito samantalang matagal na nilang pinananabikang makulong ang dating Presidente. Naniniwala sila na lalong babagal imbes na bumilis ang takbo ng hustisya sa nasabing kaganapan.
Sa ginawang hakbang ng Supreme Court, hindi tuloy naging maganda ang mga iniisip ng taumbayan. May lagayan kaya o palitan ng grasyang naganap? May impluwensiya pa ba si Estrada? May nagawa bang pagkakamali ang mga tagapag-usig kung kayat mas higit na pumanig ang Supreme Court sa petisyon ng mga abogado ni Estrada na pinangungunahan ni dating Senador Rene Saguisag? Ito lamang ang ilan sa mga katanungan ng taumbayan.
Natural lamang na magulumihanan ang taumbayan. May paniwala akong malaki pa rin ang pagtitiwala ng mga mamamayan sa integridad ng Supreme Court. Ngunit, dalang-dala na ang taumbayan sa kahinaan ng hustisya sa ating bansa. Alam nilang umiiral lamang ang batas sa mga mahihirap at mga walang lakas.
Subalit akoy naniniwala pa rin sa kalinisan ng puso at pag-iisip ng mga miyembro ng Supreme Court. Malaki ang aking pananalig na hindi nila ipagpapalit sa anumang bagay ang kanilang integridad, magandang imahen at pagtitiwala ng sambayanang Pilipino.