Bakit di-sagutin ni Alvarez si Pimentel ?

Mukhang pulitika pa rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay kulang pa rin ang miyembro ng Gabinete ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Hanggang sa kasalukuyan pinagtatalunan pa kung sino ang ilalagay na Secretary ng DENR na dapat sana ay nakareserba na kay Isabela Rep. Heherson Alvarez. Wala pa ring Secretary ang Department of Energy at Department of Health.

Ayon sa report, hinaharang ni Senate President Aquilino ‘‘Nene’’ Pimentel ang appointment ni Alvarez sa DENR dahil umano sa pagtutol ni Alvarez sa total logging ban noong senador pa ito. Ang ipinaglaban ni Alvarez ay ang partial logging ban na hindi ikinagusto ni Pimentel. Sinabi ni Pimentel na puwedeng humawak ng ibang tungkulin sa gobyerno si Alvarez huwag lamang ang DENR.

Hindi ko maintindihan kung bakit walang lumalabas na sagot o paliwanag si Alvarez sa pagtutol sa kanya ni Pimentel. Baka naman nagbago na ang kanyang paninindigan tungkol sa logging ban? O dili kaya naman may iba siyang paliwanag. Bakit hindi sila mag-usap ni Pimentel at GMA? Ano ba talaga ang score sa problemang ito?

Naniniwala ako na malaki ang magagawang kabutihan ni Alvarez kung siya ang hahawak sa DENR sapagkat kilala siyang environmentalist at mahal niya ang kalikasan. Kabisado niya ang pasikut-sikot sa DENR sapagkat nanggaling na siya dito kung hindi ako nagkakamali at siya rin ang may hawak ng komite sa Kongreso na may kinalaman sa environment and natural resources.

May balita rin akong natanggap na marami ang nakalistang kandidato sa pagka-Secretary ng Department of Health. Kanya-kanyang lakaran ang mga padrino ng mga ito at hindi tinitigilan ang pagbulong ng mga ito kay GMA. Bakit kaya? Ganito rin ang senaryo sa ibang mga posisyon na wala pang itinatalagang pinuno.

Hindi lang ito ang problema ng Malacañang. Pati posisyon na may nakatalaga na ay pinag-iinteresan pa ng iba. Kaya karaniwan na ngayon ang siraan at disinformation campaign laban sa nakaupo na. Siyempre, ang objective ay kapag nasira na ang nakaupo, papalitan ito at maaaring ang sumisira ang siyang pumalit. Ngunit, nabalitaan kong alam na ni GMA ng mga nasabing senaryo. Mayroon na umanong ginagawa tungkol dito. Harinawa.

Show comments