Sa paglilibot ko sa mga kabayanan at kanayunan kaugnay ng aming outreach program, lubusan akong humanga sa kalinisan ng Bustos, Bulacan. Wala akong nakitang basurang nagkalat sa mga daan. Napag-alaman ko na itoy bunga ng community mobilization on solid waste management na mabisang ipinatutupad ni Bustos Mayor Arnel Mendoza.
Ang mga taga-Bustos mismo ay sama-sama at nagkakaisa sa paglilinis ng kanilang bayan. Ang pamahalaang lokal ay may palagiang zonal dialogue" sa bawat purok na binubuo ng may 20 pamilya. Bawat purok ay naglilinis ng kanilang kapaligiran at itoy lumalawig sa mga barangay kaya nagkakaroon ng kompetensiya sa kalinisan ang mga barangay doon.
Inuna munang linisin ni Mayor Mendoza ang municipal building, isinunod ang palengke, pampublikong gusali, palaruan at mga paaralan. Ang mga nakokolektang lata ay pinagkakakitaan ng mga mag-aaral dahil ginagawa itong trash can. Ibinebenta ito sa mga tricycle drivers na pinagmumulta ng P150 kapag walang trash can sa kanilang pampasadang tricycle.
Batid ng mga taga-Bustos ang mga proseso ng waste segregation, recycling and decomposing. Nagkakapera sila sa pagbebenta ng mga recycables gaya ng diyaryo, bakal at bote. Meron din silang dumpsite pero tipid ang basurang itinatapon nila para huwag agad itong mapuno. Bawat waiting shades ay may nakapaskil na malinis na bayan, malusog na mamamayan. Hindi lamang ako kundi maging si environmentalist Senator Loren Legarda-Leviste ay pumupuri rin kay Mayor Mendoza at sa mga mamamayan ng Bustos.