At kung hindi kikilos ang pumalit kay Lacson na si Deputy Director General Leandro Mendoza, sigurado akong madadagdagan ang mga nag-alinlangan sa kanyang liderato lalo na sa ngayon na may grupong umaakusa sa kanya ukol sa pagtakas ng isang preso na umanoy kamag-anak niya.
Kahit sa huling mga araw ng kanyang panunungkulan, itong si Lacson ay pinilit talagang maghigpit laban sa jueteng. Talagang ipinasusunod niya to the letter ang kanyang no take policy sa mga opisyales ng pulisya.
Sinabi ng aking espiya na nang maupo bilang PNP chief si Mendoza, lalong tumingkad ang pa-jueteng hindi lang sa Metro Manila kundi pati na sa probinsiya ng Bulacan, Tarlac, Zambales at Olongapo. Ang kasalukuyang namamayagpag na jueteng operators sa Norte ay sina Fred Junky ng Olongapo; Peping ng Zambales; Bebot Roxas ng Tarlac at magkapatid na Lad, Jessie at Abet Viceo ng Bulacan. Ang masama pa pati pangalan ni Supt. Caloy Baltazar ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay bukambibig ng mga jueteng lord lalo na si Fred Junky.
Isang Tikboy Garcia na umanoy reporter sa DILG, ang kumukolekta ng P30,000 kada buwan para kay Baltazar. Totoo ba yan kaibigang Caloy? Sa Metro Manila naman patuloy pa ang mga pasugalan nina Val Adriano ng Makati City; Joel Guevarra ng Marikina City; Elmer Nepomuceno at Romy Lajara ng Rizal; Gerra Ejercito ng Muntinlupa; Milo Samson ng Manila; Peping Suarez ng San Juan at Totong Melendrez ng Pasig City. Mukhang hindi sinusunod ang kautusan ni Mendoza na magsagawa ng kampanya laban sa kanila. Ano ba yan? Wala rin palang pagbabago.
Kung hindi sinsero si Mendoza ukol sa kampanya laban sa jueteng bakit nagpalabas pa siya ng kautusan. Ibig bang sabihin nito niloloko niya ang kanyang sarili?