Nawalan din ng kredibilidad ang mga eksperto sa Feng Shui at psychic na hindi daw mapapalitan si Estrada bilang Presidente. Magiging mabuti raw ang tatahakin ng Estrada administration.
Ang masakit nito ay nag-boomerang sa mga kaalyadong pulitiko ni Erap ang sinabi niyang sa "kangkungan sila pupulutin" partikular na ang pinagmamalaking "weather, weather lang yan". Malamang na kahit barangay kagawad, hindi siya mananalo sa kanilang lugar.
Katulad ni Sen. Tessie Aquino-Oreta na pinag-aagawan na daw ng mga may-ari ng sikat na diskuhan at club sa buong bansa at nag-offer ng milyong piso bilang dancer dahil magaling kumembot.
Sa España, senors ang tawag sa bull-thrower, sa Pinas senador.
Mabuti na lang, wala pa ang 11 senador noong buksan ang Jones Bridge sa motorista, kung nagkataon baka daanin na naman sa botohan.
Ang matindi nito, hindi pa tapos ang hagupit ng karma sa mga kaalyadong pulitiko ni Erap at malalaman pa pagkatapos ng May 2001 election. Siguradong sa kangkungan sila pupulutin kahit na maglarga ng milyon-milyong piso sa election campaign.
Siguradong ang kasunod nito mga Kabayan, ay ang pag-iiyakan dahil sa "samsaman blues" ng mga ill-gotten wealth nito. Weather, weather lang yan !
Halimbawa na lang mga Kabayan, apat na lider ng pro-Estrada rallyists mula sa Protacio St. ang nakausap ko noong Biyernes ng gabi sa Pasay City Hall at galit na galit sa isang nagngangalang Ibay.
Dahil hindi pa raw sila binabayaran matapos ang rally na sumuporta kay Jose Marcelo Ejercito aka ex-president Joseph Estrada (Jose Velarde).
Napapansin ba nyo mga Kabayan na ibang iba ang mga mukha ng Anti-Erap group dahil sa 90 porsiyento nito ay pawang kabataang estudyante samantalang sa kabilang grupo ay mga mukhang naghihintay lamang na magkagulo at magsasamantala. Iba talaga ang estilong bayaran at hakot na rallyista dahil kasama kayo sa karma.
Sa mga Pinoy na lumahok sa EDSA 2 partikular na ang mga kabataang estudyante, tulungan natin ang bagong Presidente ng bansa dahil mas mabigat pa ang papasaning problema kaysa kay ex-president Cory Aquino noong 1986.