Ayon sa aking bubuwit, hindi umano nasunod ang mga kondisyon na hiniling ni Senator Revilla kay President Estrada ng bumoto ito ng no para hindi buksan ang envelope. Na naglalaman ng account ni Jose Velarde.
Ang isa sa kondisyon ay huwag daw maghaharap ng kalaban ni Bong sa gobernatorial race sa Cavite. Ang ikalawa ay huwag namang pahaharapin ng kalaban ni Lani Mercado na kakandidato sa pagka-mayor sa Bacoor Cavite.
Ang lahat ng mga ito ay nabulgar matapos magbotohan sa Senado noong Martes.
Hindi naman pala pumayag ang Magdalo Party na pinangungunahan pa rin ni dating Cavite Gov. Johnny Remulla. Ang mga Remulla ay sumusuporta kay Erap subalit hindi raw sila maaaring sumuporta sa mga Revilla.
Sinabi ng Magdalo party na ihaharap pa rin nila si Rep. Ayong Malicse laban kay Bong sa pagka-gobernador. Sa kabilang dako, ang kasalukuyang mayor ng Bacoor, Cavite na si Mayor Jessie Castillo ay lalaban naman kay Lani.
Ito ang ipinakakalat ngayon ng Magdalo Party sa Cavite kaya na-imbiyerna diumano ang pamilya Revilla. Kaya pala naiyak si Bong Revilla nang magtalumpati sa EDSA Shrine.
Tiyak na magiging mainit ang labanan sa darating na eleksiyon sa Cavite.
Meron nga kayang eleksiyon? Di ba merong Oplan Noel o No Election?
Ngayong nasa kabilang panig na si Bong at Lani, sila kaya ay sasama rin kina Mayor Vilma Santos ng Lipa City at Nora Aunor na magma-martsa patungong Malacañang?
Sasama rin kaya ang kanyang na-onseng tatay na si Sen. Ramon Revilla at bayaw na si Sen. Robert Joworski.
At sisigaw kaya sila ng Erap resign!