Kasi, sunud-sunod na ang kaso nitong si Adriano, na dating balut vendor at wala rin, subalit dahil sa maraming pera ito, nalusutan niya ang lahat ng sigalot na dumating sa buhay niya. Pero sa tingin ko, konting panahon pa, makakatagpo rin ng katapat si Adriano.
Noong nakaraang Linggo, nakulong ng dalawang araw itong si Adriano sa Manila police Station 5 dahil sa sobrang kalasingan sa loob ng Holiday Inn sa T.M. Kalaw, sa Ermita, Manila.
Hindi naman natalo sa casino si Adriano subalit dahil nga ngongo sa alak, hinubad ang suot na t-shirt at nagsisigaw na akala mo ay may kalaban. Hindi siya napigilan ng kanyang asawang si Gretchen. Ayun, sa bilangguan bumagsak si loko.
Hindi lang yan. May insidente rin sa loob ng Heritage Hotel sa Pasay City kung saan nakipagtalo rin si Adriano ukol sa chit. Mukhang ayaw magbayad ni Loko sa kinain nila ng kaibigan nitong Singaporean na si David. Tahasang nagmalaki si Adriano na milyonaryo siya subalit hindi niya babayaran ang chit na hindi naman sa kanila. Tulad ng unang insidente, lasing din si Adriano.
Noong nakaraang taon, ni-raid ng mga tauhan ni Chief Supt. Romeo Maganto ng Task Force Katapat ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa bahay niya sa Maynila at marami sa mga bataan niya ang nahuli.
Dumating si Adriano na lasing na lasing at nagsisigaw na papatayin niya ang mga pulis dahil hinuli ang pa-bookies niyang jai alai. Ang siste, sa galit ng mga raiding team, pati siya ay isinama at kinasuhan.
Sa napakaraming sabit nitong si Adriano, lahat nalusutan niya dahil sa kanyang pera. Paano ba siya nagkapera? Sinabi ng aking espiya na nagsimula lamang sa pagiging kabo itong si Adriano hanggang lumaki at nag-solo. Lalong umangat ang buhay niya nang makilala niya si Wakee Salud na nasa likod ng masiao operations sa Mindanao at Kabisayaan. Lalong tumingkad si Adriano ng dumating sa buhay niya ang magkapatid na Vic at Alex Yu na nasa likod ng pandaraya sa jai alai. Ang Yu brothers ay bata ni Atong Ang, na matalik na kaibigan noon at mahigpit na kaaway sa ngayon ni Presidente Estrada.
Si Adriano ang humawak ng panabla ng lahat ng bookies ng jai alai sa Metro Manila. Pina-fax lang sa bahay niya sa Makati City ang mga ruta ng mga gambling lords.
Sa sobrang dami ng pera ni Adriano dahil sa ilegal, nakabili at minimintina nito ang anim na pangkarerang kabayo. May malawak na lupain sa Batangas rin siyang nabili. At hindi lang yan, lumaki rin ang kanyang ulo. Pero paalala lang Mr. Adriano. Hindi lahat ng buwenas ay para sa yo. Darating din ang delubyo at yan ang paghandaan mo.