Pagkaraang magbarikada ang mga taga-Semirara ay nawala na sa wisyo ang MMDA at ang Solid Waste Management Committee kung paano lulutasin ang problema. Ngayo’y nakaamba pang kumalat ang iba’t ibang uri ng sakit sa Metro Manila ayon sa Department of Health kung hindi mahahakot ang mga basura. Nagsimulang dumami ang basura makaraang isara noong December 31, 2000 ang San Mateo landfill. Matagal nang nakababala ang pagsasara nito upang maging paalala sa mga namumunong gumawa na ng paraan.
Hindi umubra sa Semirara ang plano nina Binay at Aventajado at ngayo’y balak na naman umanong buksan uli ang San Mateo sa loob ng anim na buwan. Ano ito lokohan? Mismong si President Estrada pa ang nag-utos na isara ang landfill at aniya’y wala nang makapipigil pa sa desisyon niya. Nakita kasi ni Estrada ang mahigpit na pagtutol ng mga taga-Rizal na gawing basurahan ang kanilang probinsiya. Ngayo’y bakit nababali ang utos ni Estrada? Bunga nito ay nakaabang na naman ang mga taga-Rizal sa mga trak ng basura at nakahanda na naman silang magbarikada. Hindi nila papayagang maging basurahan ng Metro Manila. Noong nakaraang taon ay naging maigting ang sitwasyon sa lugar na iyon dahil sa basura.
Bukod sa ideyang pagbubukas ng San Mateo, isang pang nakalolokong ideya ng MMDA at Solid Waste Management ay ang balak na pagtatambak ng basura sa Clark Air Base. Nawala na ba talaga sa wisyo ang mga namumuno at sa dating US air base itatambak ang mga basura? Wala na ba silang maisip na mahusay na paraan at kung saan-saan na lamang itatambak ang basura na magdadala ng sakit. May umugong ding balita na balak pagtapunan ng basura ang Oriental Mindoro. Kung walang maisip na mahusay na paraan ang MMDA, ano pa ang kanilang silbi sa taumbayang nagbabayad ng buwis. Mabuti pang buwagin na lamang ang ahensiyang ito kaysa patuloy na magdusa ang taga-Metro Manila sa basura. Hanggang kailan sila magtitiis?