Panggastos sa trial ni Erap kinukuha sa illegal gambling

Kung ang gambling lord na si Elmer Nepomuceno ng Rizal ang paniniwalaan, talagang binabraso na ng Malacañang ang ilegal na pasugalan sa bansa para makakalap ng pondong panggastos sa impeachment trial ni Presidente Estrada.

Mahaba pa ang impeachment trial ni Estrada, eh kung walang pondo ang gobyerno dahil wala namang foreign investors na pumapasok, saan pa ba kukuha ng pondo ang Malacañang kundi sa ilegal na pasugalan, di ba?

Kaya kung nakatali ang kamay ng pulisya sa jueteng, jai alai at iba pa, huwag ninyong sisihin si Philippine National Police (PNP) chief Director General Panfilo Lacson dahil sunod-sunuran lang siya sa Malacañang. Itong si Nepomuceno kasi, ayon sa aking espiya, ay nagsabi kay Rizal Governor Ito Ynares na kailangang brasuhin na ang jueteng sa kanyang probinsiya dahil wala ng panggastos ang Malacañang sa kaso ni Estrada. Si Nepomuceno ay gumagamit ng pangalan ni Jude Estrada sa kanyang ilegal na lakarin.

Ang siste ngayon, nagsara na ang mga jueteng operators ng Rizal na sina Boy Chua, Danny Pe at Zorayda Colcol. Ang iba naman ay pakana-kana na lamang ang operasyon dahil binantaan sila ni Supt. Luizo Ticman, hepe ng pulisya ng Rizal na magsara na. Kung sabagay tumataginting na P2 milyon ang paunang bayad o grease money ni Nepomuceno sa opisina ni Ynares at kay Ticman para ma-centralized nila ang operasyon ng ilegal na pasugalan sa Rizal, anang aking espiya.

Isa sa mga bataan ni Nepomuceno ay si Romy Lajara, na dating nag-ooperate ng jueteng sa Cordillera. Ang mga kabo niya ay sina Kagawad Nato sa Binangonan; Lagring, Armando at Azon sa Angono; Bunso Fulgencio at Gigi sa Tanay; Francis Lacuya at Mang Robert sa Morong; Sally sa Baras at Ka Terio at Ka Violy sa Cardona.

Hindi lang sa Rizal nambabraso ang Malacañang kundi pati na sa jai-alai na itinakdang magsasara bukas (Enero 15).

Ang gambling lord na si Val Adriano, ng Makati City, ang nakalutang subalit ang magkapatid na Alex at Vic Yu, na kapwa mga bataan ni Atong Ang, ang nasa likod ng operasyon ng malawakang bookies nito.Di ba naaresto na ng Task Force Katapat ng Department of Interior and Local Govenrment (DILG) itong si Adriano? Bakit patuloy pa ang operasyon nito?

Show comments