Gambling lord ng Rizal ipinagmamalaki ni Jude

Balik sa dating gawi itong gambling lord na si Benny Lazaro ng Rizal. Matatandaan na si Lazaro, na nagpapatakbo ng ‘‘Royal’’ jueteng sa Rizal, ay nagsara ilang araw pa lamang iniimbestigahan itong expose ni Ilocos Sur Gov. Luis ‘‘Chavit’’ Singson na tumatanggap ng milyun-milyong piso sa jueteng si Presidente Estrada.

Ayon sa aking espiya, kaya nagsara si Lazaro sa takot na isasangkot siya ni Singson sa jueteng collections. Si Lazaro pala ang naghahatid ng P250,000 tong collection ng tinatawag na ‘‘Big 5’’ jueteng operators ng Rizal kay Singson. Sa opisina mismo ng isang mataas na opisyal ng Rizal sa provincial capitol sila nag-aabutan ng pera. Pero nakahinga ng maluwag si Lazaro dahil hindi siya binanggit ni Singson sa Senado maging sa impeachment trial ni Estrada.

Hindi pa sana siya magbubukas subalit napilitan nang biglang sumulpot sa eksena ang bagong gambling lord na si Elmer Nepomuceno, na walang ibang ipinagmamalaki kundi si Presidential son at Air Force Captain Jude Estrada. Totoo kaya ang report na P2 milyon ang inilagak ni Nepomuceno kina Gov. Casimiro Yto Ynares at Supt. Luizo Ticman, Rizal PNP provincial director, para tumahimik na lamang sila? Sino ang dapat mag-imbestiga rito? Hindi lang ’yan, Marami pang bagong gambling lords na tulad nina Joel Guevarra, Romy Guatlo at Romy Lajara ang nagtayo rin ng kani-kanilang sariling jueteng sa Rizal. ‘Ika nga ang ilang mga lehitimong gambling lords doon ay napilitang magsara o dili kaya’y sumanib na lamang sa mga bagong sulpot na kapitalista.

Bunga sa agam-agam na hindi na siya makapuwesto pag nagkataon, napilitang magbukas si Lazaro. Ang problema lang, ipinangalandakan niya ang pangalan ni Philipine National Police (PNP) Chief Director Gen. Panfilo Lacson para nga hindi magalaw ang ‘‘butas’’ niya. Mali ’ata to a?

Sinabi rin ng aking espiya na itong si Eddie Caro, ang tinaguriang jueteng King ngayon ng Metro Manila ay namamayagpag na rin sa Rizal. Ang namamahala ng kanyang ‘‘Par-Zap’’ jueteng doon ay isang babae – si Bobbie na taga-Antipolo City.

Sobra na ang luwag ni Lacson sa jueteng at taliwas ito sa unang mga kampanya niya. Ano kaya ang dahilan? Bakit sa ngayon ay nagbulag-bulagan na lamang ang pulisya at pamunuan ni Ticman sa naglilipanang pasugalan sa Rizal?

Magkano ba… este ano ba ang dahilan ha Supt. Ticman?

Dapat dito kay Supt. Ticman ay huwag magkulong sa kanyang opisina, bago maging huli ang lahat. Baka sa pagkurap niya ay kainin siya ng mga jueteng operators at ’yon nga biglang mawawala siya sa kanyang kinauupuan.

Kay Gov. Ynares naman, Sir, paki aksiyon naman sa illegal gambling d’yan para hindi magkaroon ng impresyon na hindi mo ito kayang sugpuin? Paano ka mapupunta sa puwesto ni Interior Secretary Alfredo Lim kung yang probinsiya mo pa lang ay hindi mo kayang itigil itong jueteng?

Show comments