Hanggang sa kasalukuyan, mainitan pa rin ang deliberasyon kaya hindi maiwasan ang mga maanghang na pananalita at mga insultuhan ng mga miyembro ng prosecution, defense at mga senator-judges. Pati si Senate President Nene Pimentel at Presiding Officer Chief Justice Hilario Davide ay malimit na napapagitna sa mga balitaktakan.
Kahit na wala pang masasabing resulta ang makasaysayang paglilitis na ito kay President Estrada, marami namang katangi-tanging mga bagay ang lumitaw dahil dito na dati-rati ay ipinagwawalang-bahala natin at hindi pinapansin. Ngayon lamang tayo nagising at natauhan sa tunay na kahalagahan ng mga ito sa ating buhay.
Sa pamamagitan ng impeachment trial, biglang bumulaga sa atin kung papaano nagiging martir ang isang asawang babae sa tingin ng madla. Pumayag ba siyang maging ganito nang dahil sa pagmamahal sa kanyang asawa, dahil ba sa salapi o katungkulan. Bakit nga ba, First Lady Loi Ejercito?
Ipinamulat din sa atin sa kasong ito ang pambihirang katotohanan na maaaring magkaroon ng pito o walong mistresses ang isang lalaki na hindi kinakasuhan ng anumang paglabag sa batas at moralidad ng lipunan. Nahalal pang pinakamataas na opisyal ng bansa at ipinagtatanggol para hindi maparusahan na, kahit malakas ang mga ebidensya laban sa kanya.
Ang impeachment trial din ang nagpalitaw sa kabayanihan ng mga kababaihan. Dito nakilala ang katapangan ng mga witnesses na sina Marichu Itchon, Emma Lim, Clarissa Ocampo at iba pang hindi inalintana ang kanilang kaligtasan at personal na interes. Dito napatunayan na hindi pala totoo na ang mga kababaihan ang mga tinaguriang "weaker sex". Nasaan na nga ba ang mga kalalakihan? Pakisagot nga, Gov. Chavit at Atong? Baka naman alam ni John O?