Ngayon ay iba na naman ang ikinikilos at sinasabi ni Estrada. Hindi pa pala tapos ang gulo. Muli siyang nagdeklara ng pakikipaglaban sa MILF. Sa pahayag ni Estrada noong Sabado, sinabi nitong magpapatuloy ang operation sa Mindanao. Ito ay pagkaraang tukuyin ang MILF na may kagagawan sa limang sunud-sunod na pambobomba sa Metro Manila noong Dec. 30, 2000 na ikinamatay ng 22 katao at sumugat ng mahigit 90.
Kung bakit sinabi noon ni Estrada na wala nang kakayahan ang MILF ay kakatwang ang mga ito naman ngayon ang pinagsususpetsahang may pakana umano ng pambobomba sa Metro Manila. Noong Huwebes ay 17 Muslim ang dinampot ng military sa isang raid sa Bgy. Culiat, Quezon City. Malaking pagkakamali ang raid sapagkat mga fall guys ang kanilang nadampot.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Panfilo Lacson na mga MILF ang may kagagawan ng pambobomba at kinasuhan na ang mga matataas na lider nito. Sinabi umano ni Lacson na may mga nakuhang dokumento sa Camp Bushra tungkol sa planong pambobomba. Hindi ba’t matagal nang nabawi ang Camp Bushra. Bakit may nakuha pang dokumento rito?
Marami na ang namatay at hanggang ngayo’y may nag-aagam-agam ang taumbayan dahil sa pambobomba. May mga bomb threat pa. At wala namang maibigay na matibay na kalutasan ang pamahalaan sa mga nangyayaring ito. Ang solusyon pa ngayon ay ang muling pakikipaglaban sa mga rebeldeng MILF dahil umano’y ang mga ito ang may kagagawan ng karumal-dumal na pambobomba. Ito ba talaga ang tamang paraan?