Sa sariling pahayag ni Estrada nakakaiskandalong marinig na inilagay niya ang pera sa isang Muslim Youth Foundation. Gayundin, may bahagi nito ang napunta sa isang foreign consultant.
Lumabas ang Jose Velarde. Wala raw alam dito si Estrada. Lumabas ang mga testigo na direktang nagturo kay Estrada na pumirma ng pangalang ito. Jose Velarde rin ang ginamit na pambili ng Boracay Mansion.
Ang tugon ni Estrada bahala na ang kanyang mga abogado. Ang depensa ng abogado hindi ito kasama sa artikulo. Nadawit pa ang abogadong si Estelito Mendoza sa pagtatangkang pagpalit ng mga ebidensiya. Ang sagot ni Mendoza bagamat sa opisina niya nagpulong, wala raw siyang kamuwang-muwang sa mga dokumentong ginawa roon.
Ano ba ang higit na nakaka-iskandalo, ang maakusahan ang isang Presidente ng pagkakasangkot sa ibat ibang iregularidad, o ang mga sagot o depensa na pilit pinapalulon sa atin ng Presidente at ng kanyang mga abogado?
Mahirap na ngang tanggapin ng taumbayan ang maakusahan ang isang Presidente ng pagkakasangkot sa jueteng. Mas mahirap namang tanggapin ang mga paliwanag at palusot na tunay namang nakakainsulto sa kaisipan, lohika at makatuwirang pananaw ng ordinaryong mamamayan ng bansa.
Sa ngalan ng delikadesa na matagal nang itinapon sa basura, itigil na sana ang pag-iinsultong ito at panindigan na muli ang katotohanang magliligtas sa ating bansa.