Ayon sa pinuno ng Prairie Plant Systems, ang halamang nabanggit ang siyang makapagpapabago sa pananaw ng tao laban sa paninigarilyo. Ito na ang panahon para salungatin ng mga naninigarilyo ang mga paratang ng mga taong naghahangad ng mas malinis na hangin at kapaligiran. Mababago rin ang kaugalian ng mga tao. Sa halip na ang mga naninigarilyo ang lalabas sa silid, ang mga hindi naninigarilyo ang siyang mapipilitang umiwas.
Marami na ang namatay sanhi ng paninigarilyo ngunit, sino ba ang may nais na magtagal sa mundo, gayong maging ang piso ay palamuti na lang sa bulsa. Sabi tumututol sa paninigarilyo, matinding sakit at hirap muna ang nararamdaman ng mga taong lulong sa bisyo ng paninigarilyo bago sila lagutan ng hininga. Pero ayon sa mga smokers, sulit ang hirap sa huli sa sarap at ginhawang dulot ng ilang minutong paghithit.
Hindi naninigarilyo: ‘‘Sandali. Ayon sa pahayag, ang tabako ay ginagamit lamang sa paglikha ng gamot. Hindi naman sinabing ligtas na ito sa kalusugan.’’
Taong lulong sa paninigarilyo: ‘‘Kung nakapagpapalabas ito ng protina, sumakatuwid nakatutulong ang paninigarilyo. Dapat tayong magdiwang. Maikli lang ang buhay ng tao.
Lalaking naka-barong: ‘‘Kailangang galangin natin ang karapatan ng mga mahilig manigarilyo. Bakit kailangan natin silang pigilan.’’
Hindi naninigarilyo: ‘‘Sino ka ba, at bakit ka nakikialam sa usapan namin?’’
Lalaking naka barong: ‘‘Ako nga pala ang inyong masipag na ahente – ahente ng mga nais nang mamahinga. Hayaan ninyong aking talakayin ang mga diskwento ng aming mga memorial plan."
Ang paggamit ng halaman bilang gamot na hindi na bago. Ngunit sa paggamit ng tabako bilang panlunas, para na ring binigyan ng mga dalubhasa ang mga maninigarilyo ng dahilan upang ipagpatuloy ang isang nakamamatay na bisyo.
Lalo lamang magiging sutil ang mga lulong sa paninigarilyo. Sasalansangin nila pati ang kamatayan. Marami ang mawawalan ng mga kaanak, kapatid, at kaibigan dahil sa lamag sa panandaliang kaligayahan.
Panahon na para sugpuin ang paninigarilyo. Panahon na upang ibaon ito sa kailaliman ng minahan na siyang ngayong pinagmumulan ng isang hungkag na pangarap.