Nag-sorry si Reyes makaraang puwersahing wasakin ng mga raiders ang pintuan ng bahay ng mga inakalang suspects. Ginulantang ang pagtulog ng mga residente roon at itinuring na parang hindi mga tao dahil sa pagsalakay. Kahit na may dalang warrant of arrest tao pa rin ang kanilang aarestuhin at hindi hayop. Paano maibabalik ang nasugatang dangal ng mga inosenteng residente. Nabulabog pati ang mga bata dahil sa pagsalakay na naghatid sa kanilang ng kakaibang takot. Katulad din marahil ng bombang sumabog. Pero nag-sorry na nga si Reyes sa pangyayari. Pero sapat na ba iyon sa idinulot na takot.
Lumabas ang balitang ang Philippine National Police ang may kagagawan ng pagsalakay sa Muslim compound. Ito ay sapagkat inihayag ni PNP chief Director Gen. Panfilo Lacson na matutukoy na sa loob ng 48 oras ang mga may kagagawan sa bombing. Natukoy nga ng PNP at umano ay ang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang may kagagawan. Kasunod ay kinasuhan ng PNP sa Department of Justice sina MILF Chairman Hashim Salamat, vice chairman for political affairs Al-Haj Murad, vice chairman for military affairs Ghadzali Jaafar at tatlong iba pa. Sinabi ni Lacson na mga "fall guys" ang nadampot ng military.
Subalit marami ang nagugulumihanan sa mga pangyayari at sa mga hakbang ni Lacson. Kung totoong mga MILF ang nambomba at matagal na umanong alam ang balak na ito, bakit nakalusot pa sa kordon ng pulisya at naisagawa ang pambobomba. Naka-double red alert pa umano ang PNP. Noong December 19, 2000 ay banner story na ng Pilipino Star NGAYON ang balak na pambobombang isasagawa umano ng MILF dito sa Metro Manila. Bakit hindi ito napaghandaan ng PNP?
Patuloy pang nag-aagam-agam ang taumbayan ngayong mga "waw mali" ang resulta ng imbestigasyon. Walang matibay na kaseguruhan kung kailan mahuhuli ang mga walang kaluluwa. Ang isang magagawa ng taumbayang nalilito at nahihirapan ay maging alerto sa lahat ng oras. Ganito na lamang ang gawin kung walang magawa ang mga alagad ng batas.