Karamihan sa mga kabataang estudyante na aking nainterbyu ay nabigla nang sabihin kong may deadline ang registration para sa mga bagong botante.
Biruin nyo nga naman mga Kabayan, umaasa ang mga kabataang edad 18-anyos na maiboboto ang kanilang idolong politiko, yon pala sa panaginip lamang mangyayari.
Hindi nila alam ang lugar ng registration at kung ano ang dapat nilang dalhin, kaya ang nangyari ay binalewala nila ang mga pagpapa-rehistro. Sayang ang isang boto ng kabataan at kung ito ay pagsasama-samahin siguradong aabot ito sa milyong bagong botante.
Mas mabuti pa raw ang pelikula ni Philippine National Police (PNP) Chief Ping Lacson na ginampanan ng artistang kamukha ni Fanny Serrano at may paunang anunsyo kung kailan at saang sinehan ipalalabas pero sa mga bagong botanteng kabataan, ni aninoy wala. Mukha yatang tinipid ang budget o baka walang ibinigay na budget.
Hindi sa pinangungunahan ng Ok ka Bata! ang mga opisyal ng Comelec sa pamumuno ni Chairman Harriet Demetriou, nilabag ng Comelec ang pinaiiral na batas dahil nasasaad, na may 120 araw pa ang nalalabi bago sumapit ang May 2001 election ang dapat na deadline (Jan. 14, 2001).
At ang isa pang responsibilidad ninyong mga opisyal ng Comelec, ay mag-provide kayo ng photographer sa lahat ng registration areas nang hindi na magdala ng photo ang mga bagong magpaparehistro.
Base sa statistic na nakalap ng OK ka Bata!, aabot sa tatlong milyong bagong botanteng kabataan ang sanay makaboboto pero dahil lamang sa kapalpakan at kapabayaan ng mga opisyal ng Comelec ay nabalewala ito.
Baka naman may pumigil na ipa-anunsyo ang registration dahil takot sa boto ng kabataan na karamihan ay anti-Erap.
Sa mga opisyal ng Comelec, pag-igihan ninyo ang trabaho at baka kayo naman ang pagbalingan ng mga rallyista.