Kung meron man tayong naging pagkakamali sa ating mga pamilya, kaibigan o sa ating sarili ay sikapin nating iwasto ang mga ito. Kung meron man tayong naging pagkukulang sa kanila ay sikapin nating punan ang mga ito.
Ang tunay na diwa ng Bagong Taon ay pagbabagong buhay at pagsisimulang muli. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang ang ating pamumuhay ay maayon sa kung ano ang tama at mabuti.
Gaya ng ating pagsusuri sa ating personal na pamumuhay, tingnan natin ang mas malaking larawan ng ating lipunan. Sa gitna ng krisis na ating dinaraanan ngayon, kailangang sama-sama nating ibangon ang ating bansa. Nananalig ako na malalampasan din natin ang mga suliraning ito. Sa kasaysayan ng ating bansa, naging napakaraming pagsubok ang ating dinaanan. Sumailalim tayo sa kamay ng mga dayuhang mananakop gaya ng mga Kastila, Amerikano at Hapones. Nalampasan din natin ang lupit ng martial law subalit nanatili tayong matatag bilang isang bansa.
Ngayong sasapit ang Bagong Taon, naway muling manaig sa atin ang pagiging makabayan at nasyonalismo. Bago ang lahat, sana ay isipin natin ang kapakanan ng ating bansa. Utang natin sa ating ninuno na nakipaglaban para sa ating kalayaan na itaguyod ang kapakanan ng ating bayan. Obligasyon din natin sa ating mga anak at sa mga darating pang salinlahi na pangalagaan ang kabutihan ng bayan.
Ngayong Bagong Taon, magsimula tayong muli para sa bayan!