Noong Disyembre 20, 1990, pinaslang ng ilang kasapi ng sindikato ang aking kapatid na si Jaime Boboy Jimenez Jr., nakamtan lamang ang hustisya matapos ang pitong taong paghahanap at pakikipaglaban para sa katarungan.
Sampung taon makalipas ang trahedyang ito sa aming pamilya, patuloy pa rin ang puspusan at masigasig na paghahatid ng katarungan sa mga biktima ng krimen, katulad rin ng ipinakita ng inyong lingkod sa paghahanap ng hustisya para kay Boboy.
Sa ika-10 taong anibersaryo ni Boboy, ikinagagalak ko rin ang paglalabas ng unang aklat nito, na pinamagatang "Profile of a Crusader" na ilalabas sa isang pagtitipon sa Westin Philippine Plaza na dadaluhan ni Vice President Gloria Macapagal-Arroyo.
Iniaalay ko ang librong ito sa mga biktima ng karahasan at katiwalian, mga miyembro ng VACC, mga mag-aaral ng batas, sa aking pamilya at sambayanang Pilipino. Naway makadulot ito ng lakas ng loob at mga aral sa ating mga kababayan. Ang libro ay maaaring mabili sa VACC office sa 3rd Flr., Pope Pius Center Bldg., U.N. Avenue, Manila.
Ngunit hindi naman maisasakatuparan ang maliit na tagumpay na ito kung hindi na rin dahil sa tiis, tiyaga at dasal na siyang nananalaytay sa mga ugat ng mga bumubuo ng VACC. Nakalulungkot nga lamang na kailangan pang ikamatay ni Boboy upang ako ay matulak sa ganitong uri ng paglilingkod sa kapwa.
Ang dalangin ko sa ika-10 anibersaryo ng pagpanaw ni Boboy at sa krusadang aking isinusulong, sana ay mag-ibayo ang kampanya laban sa kasamaan at makamtan din ng mga biktima ng krimen ang hustisyang nararapat sa kanila.
Isang Maligayang Pasko at mapayapang Bagong Taon sa lahat!