Matapos ang imbestigasyon ng taga-usig, idinemanda ng murder si SPO2 Carpio at ang apat na pulis na kasama niya at ito’y isinampa sa Regional Trial Court (RTC).
Sa motion ng mga pulis, ipinasya ng RTC na dapat homicide lang ang demanda at ito’y dapat laban kay SPO2 Carpio lang. Ang isa pang pulis na si SPO3 Diego ay dapat isakdal bilang kasapakat lang samantalang ng tatlo pa nitong kasama ay hindi dapat nasakdal. Kaya’t inutusan ng RTC ang taga-usig na palitan ang sakdal na isinampa nito. Tama ba ang RTC?
Mali. Walang kapangyarihan ang hukom na pagpasiyahan kung ano ang habla o sakdal na isasampa at kung sino ang dapat isakdal. Ang kapangyihan lang ng RTC ay alamin kung may sapat na dahilan upang magpalabas ng warrant of arrest. Ang pag-aalam kung anong krimen ang nagawa at kung may sapat na dahilan na maaaring nagawa ito at kung sino ang gumawa nito ay nasa kapangyarihan ng taga-usig. (P. Gozos et. al. vs Tac-An et. al. G.R. NOS. 123191, 123442 December 17, 1998).