EDITORYAL - Tahimik ang NBI sa Dacer case

Dalawang linggo nang nawawala si Salvador "Bubby" Dacer at hanggang sa kasalukuyan, wala pang nakikitang liwanag sa misteryoso niyang pagkawala. Marami nang naubos na luha ang apat na anak na babae ng public relations practitioner subalit hindi marinig ng mga awtoridad ang kanilang daing at nguyngoy. Walang magawa ang Philippine National Police sa pamumuno ni Director Panfilo Lacson. Nang pumasok naman sa eksena ang National Bureau of Investigation (NBI) ay lalo nang nawalan ng pag-asa ang pamilya ng "nawawalang" PR man. Sabagay hindi naman ito nakapagtataka sapagkat ang NBI ay marami nang kasong hinawakan na hindi nila nalutas o kung malutas man ay inaabot ng kung ilang taon. Mismong ang pagsabog sa kanilang headquarters noong nakaraang taon ay hindi rin nila nalutas. Paano pa malulutas ang iba pang kaso kung ang mismong kaso ay hindi nila kaya.

Dahil sa kabagalang kumilos ng NBI sa paghahanap kay Dacer, binabalak na ng mga anak nito na mag-hire ng private investigators upang magkaroon ng linaw ang misteryosong pagkawala. Frustrated na ang mga anak ng PR man at nararamdaman nilang walang interes sa paghahanap sa kanilang ama ang NBI. Ito ay sa kabila na nangako sa kanila ang NBI na gagawin ang lahat ng paraan para makita ang kanilang ama. Ang kawalang pag-asa ng mga anak ni Dacer ay nadadagdagan sa pagwawalang-bahala rin ni President Estrada na nagkataong kumpare pa ng PR man. Inaanak ni Estrada sa kasal ang isang anak ni Dacer.

Ang isa pang nakapagtataka sa NBI tungkol sa kaso ni Dacer ay ang pag-iimposed nila ng news blackout. Ayaw na nilang magsalita tungkol sa kaso. Ang news blackout ay ginawa makaraang makipag-meeting noong Martes ang NBI sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), PNP-Criminal Investigation and Detection Group, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines. Isa umanong agent ng NBI ang nagsabing may kautusan mula sa Malacañang na huwag nang mag-leak sa media ng anumang may kinalaman kay Dacer.

Hindi maganda kung may katotohanan man ang balitang ito. Ano ang dahilan at iuutos ng Malacañang na huwag magsalita ang NBI? Ang paghihinala na may kinalaman ang Malacañang sa pagkawala ni Dacer ay hindi maaaring mawala. Maraming iisipin ang taumbayan sa sitwasyong ito na matindi ang political crisis at nasa ilalim ng trial si Estrada. Tatalbog sa administrasyon ang anumang masamang balak kung totoo man ang report na gag order sa NBI. Dapat lusawin ang espekulasyong ito.

Show comments