Kaya halos sa lahat ng oras ay magkasama ang bata at si Bantay. Maliban lang pag nasa paaralan ang bata. Pero kahit sa pagpunta sa eskuwelahan, kailangang hawakan ang aso dahil kung hindi ay susunod hanggang sa silid ng bata. At ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng prinsipal at mga guro.
Palaging nakabuntot na parang anino ng bata si Bantay. Pagpunta sa bukid ng bata ay nakasunod ang aso. Kaya tuloy ang tawag sa kanilang dalawa ay kambal. Pag nakikipaglaro ang bata, ay matiyagang nakahilata sa isang tabi ang aso hanggang sa matapos at sabay silang umuuwi.
Kadalasan ay silang dalawa ang naglalaro. Ibinabato ng bata ang patpat o bola na masinop na ibinabalik ng kaibigang aso.
Pag kumakain sa mesa ang bata ay nakatunganga si Bantay sa ilalim. Kasi alam niyang huhulugan siya ng ulam ng bata.
Sa gabi ay magkatabi silang natutulog sa papag.
At siyempre pag-uwi ng bata mula sa paaralan ay nasa bakuran ng bahay ang aso na naghihintay. Umuuwi kaagad ang bata dahil sa kanyang aso.
Isang araw na dumating ang bata ay wala ang aso. Umakyat ang bata sa bahay at sumigaw sa nanay na naglalaba sa batalan. Inay, nasaan si Bantay? Bakit wala rito?
Patay na si Bantay. Nasagasaan ng jeep." Sagot ng ina.
Nagulat ang ina dahil walang imik at reaksyon ang anak. Para bang maluwag na tinanggap ang pagkamatay ng mahal na aso. Basta tumuloy sa silid tulugan at nag-aral. "Tumatanda na ang aking bunso. Marunong nang tumanggap ng katotohanan sa buhay," isip ng ina.
Pagkaraan ng isang oras ay bumalik ang bata at tinanong kung nasaan ang asong si Bantay sa Nanay.
Hindi ba sinabi ko nang namatay si Bantay.
Biglang humagulgol ang bata at naglupasay. Kanina ang dinig ko ay si Tatay ang namatay."