LISTO LANG - Paham

Habang pilit na sinusuhulan ng mga mayayaman ang mga kolektor ng buwis, patuloy na pinupunan ng mga karaniwang manggagawa ang kakulangan sa pondo ng pamahalaan. Karamihan sa kanila ay napipilitang pagkasyahin ang kakarampot na sahod. Sa pagsapit ng pagbabayad ng buwis, pikit-mata silang nagbabayad ng buwis bilang pagtupad sa tungkulin ng isang "tapat na mamamayan." Magpahanggang ngayon, wala pa ring batas na magpipilit sa mga mayayaman na magbayad ng tamang buwis. Hindi kagaya ng mga maliliit na kawani, ang mga employer ang siyang nagpapasya kung magkano ang kanilang kita sa taon, na siyang basehan ng pagkakalkula ng buwis na babayaran. Ayon sa tala ng BIR, mahigit sa P4 bilyon lamang ang nakolekta sa mga mayayaman, kumpara sa P52 bilyon na ibinayad ng mga self-employed. Mayroong mga haka-haka na ang kakulangan sa koleksyon ay napunta sa mga bulsa mismo ng mga kolektor ng buwis. Ipinanukala ni Rep. Herminio Teves na gawaran ng tax breaks ang mga kawaning may mababang sahod upang maitaas ang kanilang take-home pay. Ngunit, sino naman ang magpupuno sa kakulangan na maaaring idulot ng naturang tax breaks.

Tiwaling kolektor ng buwis:
"Huwag n’yo akong tingnan. Nagnanakaw lang ako sa mga mayayaman. Tutukan n’yo ang mga jueteng lord. Mas marami silang pera."

Jueteng lord:
"Nakapagbayad na kami sa pulis, sa mga pulitiko, at sa iba pang mga opisyal. Kung kami pa ang magpupuno sa kulang, dapat sinuhulan na rin namin ang Presidente. Dapat talagang hulihin ang mga mayayamang nandaraya sa buwis."

Negosyanteng nagmamalaki ng kanyang mga alahas sa kawatan:
"Ang mga kolektor ang mga bagong mayaman. Tingnan mo ang kanilang mga malalaking bahay, magagarang kotse, mamahaling alahas at ang madalas nilang pangingibang-bansa. Dapat hulihin ng gobyerno ang sarili nilang mga tauhan."

Sa pagpasok ng taon, nangako si President Estrada na babalasahin at isasaayos niya ang BIR. Gayundin naman, may mga panukala ring gawing payak ang mga proseso sa pagbabayad upang himukin ang karamihan ng mag-file ng tama. Ngunit, hindi lamang sa pagbalasa ng mga kawani’t opisyal at reporma ng tax system matatanggal ang katiwalian. Kinakailangan mismong tanggalin ang mga taong may sala.

Sinasabing dalawang bagay lamang ang hindi maaaring takasan ng tao sa mundo — buwis at kamatayan. Lahat tayo ay mamamatay, pero marami ang sadyang nakapanlilinlang sa kanilang mga buwis. Sa ganitong mga pagkakataon, tila nawawalan ng saysay ang mga katagang ito ng paham.

Show comments