Kung bakit ang kaarawan ni Bonifacio ang ipinagdiriwang at hindi ang kanyang kamatayan ay isang palaisipan. Sabagay anuman ang dahilan, hindi na siguro mahalaga pa. Ang mahalaga’y may isang bayani na naging tagapagtanggol ng mahihirap at ang kabayaniha’y hindi malilimutan. Kakatwang maging ang paglaban sa mga katiwalian sa pamahalaan ay ang simbolo ni Bonifacio ang ginagamit. Katunayan, ngayong araw na ito ay magsasagawa ng rally at mga protesta ang mga manggagawa, estudyante at iba pang sektor ng lipunan upang puwersahing bumaba sa puwesto si President Estrada na nahaharap sa apat na kaso. Magsisimula ang impeachment trial sa December 7.
Kakaiba ang pagdiriwang sa araw na ito ng kaarawan ni Bonifacio sapagkat hinihiling na bumaba na sa puwesto si Estrada. Sa mga nakaraang pagdiriwang ay ang kahirapan, katiwalian at kung anu-ano pang problema ng bayan ang isinisigaw subalit ngayon nga’y ang pagre-resign ni Estrada ang isinisigaw. Mahirap si Bonifacio at walang pormal na pinag-aralan subalit nagpakita ng tapang upang ipagtanggol ang bayan at lagutin ang tanikala ng pagkaalipin at paghihirap. Tulad ni Bonifacio, ang kahirapan din ang ginamit na slogan ni Estrada upang makaupo bilang ika-13 Presidente ng Pilipinas. Ang "Erap para sa mahirap" ay naging bukambibig sa lahat ng dako. Sa talumpati’y ipinangakong "walang kaibigan, walang kamag-anak" subalit nanatiling pangako ang mga sinabi. Marami siyang kaibigan na naging "cronies" na pinagkakautangan niya ng loob.
Ngayo’y nahaharap sa paglilitis si Estrada na ayon naman sa kanya’y sasagutin niyang lahat sapagkat malinis ang kanyang konsensiya. Si Bonifacio’y bayani ng mahihirap na ang alaala’y hindi malilimutan. Si Estrada’y "makamahirap" din subalit maaalala rin siyang kauna-unahang Presidenteng humarap sa trial dahil sa suhulan, kabuktutan, pagtataksil sa tiwala ng bayan at paglabag sa Konstitusyon. Iyan ang mga Katipunan ng Kanyang mga Kasalanan (KKK).