LISTO LANG - Kapalit

Lumalaki ang bilang ng mga taong nangangailangan ng pamalit sa nasirang bahagi ng kanilang katawan. Marami ang handang pumatay upang masalba sa tiyak na kamatayan ang kanilang mga mahal sa buhay. Hindi ba’t makailang ulit na rin tayong ginulantang ng mga balita sa pahayagan tungkol sa mga taong ‘‘ninakawan’’ ng body organ matapos ang isang gabi kapiling ang isang magandang dilag o isang machong binata. Ang ‘‘pagkawala’’ ng bahagi ng katawan ay hindi lamang limitado kay Bobbit. Ang paghahanap ng tutugmang donor ay tuwiran ding nakapagpabago sa relasyon sa pagitan ng mga magkakaibigan maging sa mga kamag-anakan. Sa ngayon, kapag tayo ay ipinakikilala sa mga kaanak ng isang taong may malubhang karamdaman, tiyak na hindi lamang ang iyong pangalan at kung ano ang iyong probinsiya ang kanilang uusisain. Interesado rin silang malaman kung ikaw ay may malubhang bisyo at kung malusog ba ang lahat ng bahagi ng iyong katawan.

Mayroon inihaing panukala si Mariano Santiago, pangulo ng Kidney Association of the Philippines (KPAP) na maaaring makalutas sa kakulangan ng mga organ donor sa bansa. Ayon kay Santiago, ang mga nahatulan ng kamatayan ay uudyuking ihandog ang kanilang mga organ bilang pambayad-utang sa kanilang mga kasalanan. Ayon pa sa kanya, maaari ring isama sa panukala ang mga may hatol na walo hanggang 20 taon upang mapagaan ang kanilang mga sentensiya. Tiyak na makatitipid ang pamahalaan sa mga gugugulin para sa mga lethal injection at mababawasan ang mga nakabinbing kaso sa Korte Suprema.

Guwardiya sa kulungan:
‘‘Responsibilidad namin ang mga bilanggo. Kailangang salaing mabuti ang bawat preso maging ang mga humihiling. Sino pa ba ang higit na nakakikilala sa kanila kundi kami.’’

Preso:
‘‘Hindi ko alam kung malusog ang bato ko, pero tiyak na mabuti ang mga mata, tenga, ilong, puso, atay, baga at matatag ang sikmura ko. Kahit na kunin na nila lahat, basta makalabas lang ako dito!’’

KPAP:
‘‘Sandali. Ang kailangan lang namin ay bato mo. Magpa-anunsiyo ka na lang para do’n sa ibang bahagi.’’

Kinakailangang suriing mabuti ang mga organ donor. Dapat tiyakin na mayroon silang kakayahang magbago kung sakaling siya ay palayain. Nararapat silang bigyan ng pagkakataong makapagbagong-buhay sapagkat binigyan rin nila ng panibagong pag-asa at panibagong buhay ang isang nangangailangan.

Sa mga manggagahasa, isang bahagi lamang ng kanilang katawan ang nararapat na tanggalin. At kailanma’y iyon ay hindi maaaring tanggapin bilang kapalit.

Show comments