Ayon sa mga residente, si Mayor Panotes ay nangako at gumawa ng Memorandum of Agreement (MOA) sa harap ng mga barangay officials na babayaran niya ng P2,000 kada buwan ang may dalawang ektaryang lupain sa nasabing barangay upang magamit bilang tambakan ng basura.
Kasama sa ipinangako ni Mayor Panotes ay ang pag-aayos umano ng kalsada patungong dumpsite.
Maglalagay din umano ng chemical sa itinatapong tone-toneladang basura upang hindi kumalat ang mabahong amoy na magdudulot ng sakit sa mga residente partikular na ang estudyante.
Alam n’yo ba mga taga-Camarines Norte ang nangyari sa mga ipinangako ni Mayor Panotes? Nalibing na ito kasama ng mabahong basura. Magmula noong 1997 hanggang sa kasalukuyan, walang ibinabayad sa ginawang dumpsite.
Ang kalsadang daanan ng mga truck ng basura ay animo’y mukha ng buwan dahil lubak-lubak. Kapag tag-ulan ay nagpuputik at kapag tag-init ay puno ng alikabok. Hirap na hirap na ang mga driver ng tricycle at iba pang pampasaherong sasakyan. Mas lalong naghihirap ang kanilang mga pasahero na karamiha’y mga estudyante.
Tinatawagan ko na ng pansin si Camarines Norte Gov. Jess Pimentel. Kumilos ka na sa problemang ito sapagkat natabunan na ang pangako ni Mayor Panotes. Nagkalat na Sir ang basura sa kalsada ng Bgy. Bibirao at ang naaapektuhan na ang mga estudyanteng nagdaraan dito.
Siguradong kapag nakarating ang reklamong ito laban kay Mayor Panotes ay magpapalabas naman ng kabulastugang katwiran si Municipal Administrator Winston Cuano, alias Kaki na tumatayong tagapagtanggol ni Panotes. Pag-igihan mo Sir Kaki baka balingan ka ng mga nanggagalaiting residente at sumigaw na ang taumbayan na mag-resign si Mayor Panotes.
Mayor Panotes, ayusin mo ang problema sa basura. Baka ma-bokya ka sa boto ng mga residente. May balita pa naman ako na kakandidato raw kayo sa pagka-congressman sa ilalim ng LAMP.