Ni-rape ng uncle, nabuntis ng BF

Ang letter ay galing kay Virginia Uno ng Nueva Viscaya.

Itatago ko na lamang sa pangalang Marites, ang aking pamangkin. Si Marites po ay 19 anyos na at may isang anak.

Noong nakaraang buwan, kinausap ako ni Marites at may ipinagtapat. Ayon kay Marites, ni-rape siya ng kanyang tiyuhin nang siya ay 15 anyos pa lamang. Subalit hindi pa po roon nagtapos ang kahayupan ng kanyang tiyuhin. Bago ang kanyang ika-18 taong kaarawan, muli na naman siyang ni-rape ng kanyang tiyuhin. Hindi po niya ito maipagtapat sa kanyang mga magulang dahil pinagtangkahan po siyang papatayin ng kanyang tiyuhin.

Noong nakaraang taon, ay nagkaroon ng boyfriend si Marites at nang mapatunayan ng lalaki na hindi na pala virgin si Marites ay hindi na po ito muling nakipagkita sa kanya. Nabuntis ang aking pamangkin. Nanganak siya may dalawang buwan na ang nakararaan.

Gusto pong kasuhan ni Marites ng rape ang kanyang tiyuhin. Maaari pa po ba niya itong gawin gayong apat na taon na ang nakalilipas?

Ang paglipas ng krimen (prescription of crime) ay pagkawala ng karapatan ng estado na malitis ang nagkasala pagdating ng panahon na isinasaad sa batas. Ang rape ay krimeng hinahatulan ng reclusion perpetua hanggang kamatayan. Ayon sa Art. 90 ng batas kriminal, ang mga krimen na hinahatulan ng kamatayan, reclusion perpetua o reclusion temporal ay lilipas sa loob ng 20 taon. Samakatuwid, ang kasong rape ay maaari pa ring isampa ni Marites laban sa kanyang tiyuhin.

Makasasagabal po ba ang pagkakaroon niya ng relasyon sa ibang lalaki sa kaso?

Hindi. Ang pagkakaroon ng boyfriend o pagkakaroon ng anak ay hindi makapipigil sa pagsampa ng kaso. Ang mahalaga ay mayroong ebidensiya si Marites tungkol sa krimen.

Show comments