Hindi nagulat ang mga taga-nayon nang makatapos siya sa unibersidad. Siya nga lang ang taga-nayon na naging abogado. Tanyag na tanyag siya. Malaki ang pag-asa ng lahat na siya ay aasenso sa buhay.
Bilang paghahanda sa buhay-politiko ay sa bayan siya nag-abogado. Ipinagtanggol ang lahat ng inaapi at tinutulungan ang lahat ng nangangailangan.
Hindi mapigilan ang pagtaas ng antas niya sa buhay. Lalo pang sumikat. Mayroon siyang paboritong paksa tuwing maaanyayahan siyang magtalumpati. Ito ang tema ng naging makabayan at ipagmalaki ang sariling atin bilang Pilipino.
"Iwaksi ang mga banyaga. Una muna ang Pilipinas sa lahat ng bagay," madalas niyang isigaw. "Itaboy ang mga dayuhan."
Sa mga pagtatapos sa mga paaralan ay popular siyang naiimbitahan. Pati rin sa fiesta at iba-iba pang okasyon. Pareho ang kanyang paksa. Pilipino muna at ang kasamaan ng mga dayuhan.
May isa lang problema. Habang nagtatalumpati siya ay napansin na ang suot na sapatos ay gawa sa Amerika, ang relos ay gawa sa Japan, ang amerikana ay gawa sa Hong Kong, ang sinturon ay markang Italyana. Pati ang sigarilyo ay blue seal na Salem na galing pa sa Richmond, Virginia.