Noong Huwebes ay marami ang nagulantang nang aminin ni Estrada na sinuhulan siya ni Singson nang P200 milyon. Ang pera umano ay hindi niya nahawakan at idineposito ni Atty. Edward Serapio sa bank account para sa Muslim Youth Foundation. Nang tanungin ng mga journalist sa annual Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) ay namula ang pisngi ni Estrada at nagpakita ng pagkayamot sa mga tanong ng mga journalist tungkol sa jueteng at mga mansions.
Sa tanong na bakit hindi niya ipinahuli si Singson nang suhulan siya nito ng P200 milyon, sinabi nitong trabaho ito ng mga pulis at masyado umano siyang abala. Hindi sinabi ni Estrada kung saan siya abala ng mga panahong iyon. Halatang hindi nasiyahan ang nagtanong na journalist bagay na kataka-taka nga naman na ang isang Presidente ay susuhulan at wala man lamang ginawang hakbang sa manunuhol. Kung hindi niya nagawang pansinin ang panunuhol sapagkat siya ay "busy" paano na ang ibang problemang may kinalaman sa kapakanan ng mga mahihirap?
Mahiwaga rin na noong nakaraang buwan lamang niya nalaman ang tungkol sa P200 milyon na isinuhol ni Singson. Ganito na ba talaga siya ka-busy at ang malaking halaga ng pera na alam niyang galing sa ilegal ay hindi niya alam. Mahiwaga rin ang Muslim Youth Foundation na umanoy beneficiary ng P200 milyon. Ang nakapagtatakay wala ni isa mang kabataang Muslim ang nakakapakinabang dito.
Anong hiwaga mayroon ang P200 milyon? Ito bay katha-katha lamang na nababalot ng kasinungalingan. Mainam kung magsasalita pa nang magsasalita si Estrada nang mabatid na ang katotohanang inaasam ng bayan.