Animnapu’t walong taong gulang na si Mang Tino, may asawa at sakitin. Siya ay napaghihilo at nanghihina na mga palatandaan ng alta-presyon. Nakatira silang mag-asawa sa bahay na katabi ng kanyang pamangking si Minda na may 10-anyos na anak na si Rina.
Isang gabing nagpunta si Rina sa banyo na banyo rin nina Mang Tino, nakita ni Rina ang lolong si Mang Tino na papuntang banyo rin at binababa ang kanyang siper. Dahil sa mga nakaraang pangyayari, naramdaman ni Rina na may masamang balak na naman si Mang Tino. Dagli siyang nagdamit upang umalis ngunit siya’y inabutan din. Nakuha na naman ang gusto ni Mang Tino. Inabuso at ni-rape niya si Rina.
Makalulusot na naman sana si Mang Tino kundi lang napansin ni Minda, nanay ni Rina na sabay lumabas ng banyo ang dalawa.
Nang tanungin ni Minda si Rina kung ano ang nangyari, agad itong nagtapat kaya’t nakasuhan ng rape si Mang Tino. Buo, tuwid at walang alinlangang isinalaysay ni Rina sa Korte ang ginawa sa kanya ni Mang Tino. Itinanggi ito ni Mang Tino. Wala raw itong katotohanan dahil sa kanyang edad at pagiging masakitin at may alta-presyon pa, wala na raw siyang kakayahang makipagtalik. Makalusot kaya si Mang Tino?
Hindi. Ang kawalang kakayahang makipagtalik o impotency ay dapat mapatunayan ng matibay na ebidensya. Ipinalalagay ng lahat ng tao’y may kakayahan sa pakikipagtalik, kaya siya ang dapat magbuwag sa pagpapalagay na ito ng batas. Ang pagiging masakitin ni Mang Tino ay hindi sapat upang sabihing wala na siyang kakayahang makipagtalik. May palatandaan lang siya ng alta-presyon na ayon sa doktor ay maaari pang magamot. Kaya hindi masasabing nawalan na siya ng kakayahang makipag-ugnayang sekswal. Hindi rin magagamit ni Mang Tino ang kanyang edad upang ipakita na siya’y laos nang talaga. Sa isang kaso nga, napatunayang maski 80-anyos na ay nakikipagtalik pa rin. Ang edad ay hindi matibay na batayan tungkol sa kakayahan o walang kakayahan ng isang taong makipagtalik. May sala si Mang Tino. (People of the Philippines vs. Abloy G.R. No. 124005 June 28, 2000)