Bakit ayaw lumantad si Bong Pineda ?

Dapat gumawa ng paraan ang gobyerno para mapabalik sa bansa itong si Central Luzon jueteng King Bong Pineda para nga magbigay ng pahayag ukol sa expose ni Ilocos Sur. Gov. Luis ‘‘Chavit’’ Singson na may alam siya ukol sa illegal gambling payola para kay Presidente Estrada.

Kung si Yolanda Ricaforte, ang umano’y auditor ni Singson na nagprepara ng ledger ukol sa umano’y tinanggap na jueteng money ni Erap ay bumalik sa bansa para linawin ang papel niya, bakit itong si Pineda ay patuloy na nawawala?

Matatandaan na ayon kay Singson itong si Pineda ang nag-aabot sa kanya ng milyun-milyong jueteng money para nga kay Erap. Masyadong importante ang sasabihin ni Pineda para nga mapatotohanan ang bintang na tumanggap ng milyong salapi si Erap.

At si Pineda rin ang magiging ugat ukol sa isyung si PNP chief Director General Panfilo Lacson ay sangkot din sa jueteng. Di ba si Gen. Robert Lastimoso mismo ang umamin na sinabihan umano siya ni Erap na ‘‘to go slow’’ sa jueteng noong nanunungkulan pa siya?

Sa ngayon, itong controversial ‘‘no tong policy’’ ni Lacson ay sinisilip ng mga opisyal mismo ng ating kapulisan. Ang tanong nila, bakit sila hinihigpitan ni Lacson samantalang ang pera pala ay dumidiretso sa Malacañang.

Ang masama, anila, iilan lang ang nakinabang. Habang sila ay nagpapakamatay sa trabaho ay wala man lamang pondong dumarating mula sa higher PNP. Ang siste pa, kapag konting mali nila itinatapon sila sa ‘‘kangkungan’’ at presto… sira na ang career nila. Maging ang mga kapulisan natin ay pabor na dapat imbestigahan talaga itong si Pineda para maliwanagan ang lahat kung sino ang nakinabang sa jueteng money.

Hindi lang si Erap ang target nila kundi pati na ang mga kabaro nila na sa tingin nila ay pasimpleng lumabag sa ‘‘no take policy’’ ni Lacson. Dapat umanong sagutin ni Pineda ang ipinagyayabang niya na maraming kapulisan ang nasa ilalim ng kanyang payroll. Kung sinu-sino ang mga ito, dapat silang maparusahan maging graduate sila ng Philippine Military Academy (PMA) o hindi, anila.

Totoo bang si Pineda ang nagbabayad tuwing kinsenas o katapusan ng buwan ng chit nina Gen. Rey Acop at Col. Nestor Senares sa Manila Bay KTV sa Roxas Blvd.? Maging mga empleado ng naturang club ay sinasabi ito. Kaya pala hindi matinag-tinag ang pa-jueteng ni Pineda sa Cavite eh, may maganda pala silang relasyon ni Senares, anang mga nakausap ko. Ipinamamalita pa ni Pineda na tinyente pa lang itong si Senares ay kakilala na niya. Totoo ba ito Col. Senares? Ayon pa kay Pineda, ang mga nakausap niya ukol sa kanyang jueteng ay sina Maj. Agojo at alias Bert Central, na umano’y tiyuhin ni Senares.

Show comments