MATATAHIMIK na ang mga commuters sa Las Piñas, Parañaque at Cavite bunga sa pagkamatay ni Gonzalo Bernardos, alias Letong, ang lider ng hold-up gang na gumagala sa mga nabanggit na mga lugar.
Si Bernardos, na isa sa 10 most wanted criminals sa southern Metro Manila, ay namatay matapos makipagbarilan sa pulisya ng Southern Police District na pinangungunahan ni Senior Inspector Jess Kabigting, hepe ng anti-crime section ng SPD.
Si Kabigting ay armado ng warrant of arrest sa kasong murder na pirmado ni Judge Bonifacio Maceda ng Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Branch 275. Pinatunayan lamang ni Kabigting ang matandang kasabihan na ang lahat ng kasamaan ay may hangganan.
Matagal na palang natiktikan ng mga tauhan ni Kabigting itong si Bernardos na bumibili ng shabu sa isang drug pusher sa Tramo St., San Dionisio, Parañaque City. Nang masakote siya, pinilit niyang lumaban sa mga bataan ni Kabigting kaysa sumuko ng mapayapa.
Narekober ni Kabigting ang isang kalibre .30 revolver kay Bernardos na may dalawang spent shells at apat na bala sa chamber. Ang motorsiklong ginamit niya ay nakuhang inabandona sa Pasay City. Dahil sa magandang achievement ni Kabigting, bumango na naman ang pangalan ni SPD director Senior Supt. Manuel Cabigon.
Mukhang naglipana na ang pasugalan sa Bacoor at Dasmariñas, Cavite at hindi gumagawa ng aksyon itong hepe ng pulisya sa probinsiya na si Senior Supt. Nestor Senares. Sinabi ng aking espiya na centralized na ang koleksiyon ng intelihensiya sa opisina ng isang Maj. Agojo at maaring may blessings ito ni Senares kapag hindi niya inaksiyunan. Ang mga financier ng mga pasugalan sa dalawang lugar ay sina Obet Catapia at Danny Itlog. Ang malalaking kabo ni Obet ay sina Aida at Capt. Cerillo. Ang kolektor ng intelihensiya ng pulisya sa puwesto nina Catapia at Danny ay si Jessie Kalkal, anang aking espiya. Sinabi pa ng aking espiya na ang gawain nitong si Agojo ay ang manghuli nang pasugalan pero hindi para masawata ito. Kaya pala nila hinuhuli ang mga kalaban sa negosyo ay para lumipat ang mga kubrador kina Catapia at Danny Itlog. Di ba violation sa ‘‘no take policy" ni PNP Chief Gen. Panfilo Lacson itong ginagawa ni Agojo? Ang balita ko tumatanggap ng tig-P5,000 araw-araw sa hepe ng mga pulisya roon sa dalawang gambling lord. Isang alyas Wowie naman ang nangangalaga ng kubransa ng ilegal na sugal sa Bacoor. Isang hapon na nakabase sa Pasay City ang kapitalista naman ni Wowie. Ano ba, Col. Senares Sir. Mukhang natutulog ka sa puwesto mo. Kilos kaagad!