Ang isapribado ang PAGCOR ay nangangahulugan ng tatlong bagay. Una, hindi pa rin tuluyang binibitawan ng administrasyon ang operasyon ng sugal. Kung tunay ang intensyon ni Estrada sa kanyang ipinahayag sa publiko noong nakaraang linggo, dapat binitiwan at tuluyan nang ipinagbawal ang operasyon ng sugal na nakasaad sa ating mga batas. Ikalawa, ang pagbibigay ng operasyon nito sa pribadong sektor ay maaaring mangahulugan ng tuluyang pagbibigay ng pamahalaan sa mga crony ng kasalukuyang administrasyon. Sa pamamagitan nito, lalo pang mapapasama ang operasyon nito at ang pagdikit at paghingi ng suporta sa opisyal ng ating pamahalaan ay hindi malabong mangyari. Mas maraming dayaang hindi na mababantayan ng pamahalaan na makasisira sa mamamayang nagtitiwala rito. Ikatlo, mababawasan ang buwis at kita na nakukuha ng PAGCOR dito at paggamit nito sa pagtulong sa mga proyekto ng pamahalaan.
Anupaman ang paraan ng operasyon ng sugal, pampubliko o pampribado, taliwas pa rin ito sa ating moralidad, pagtuturo ng magandang asal at pagsisikap sa pamamagitan ng pagtitiyaga at paggamit ng sariling kakayahan at talino sa mga susunod na henerasyon. Ipagpatuloy na lamang natin ang paglaban sa pagpapaalis ng sugal sa sistema ng ating bayan.