Para sa gaganaping halalan sa susunod na taon, nag-iimbita ang Commission on Elections (Comelec) ng maghaharap ng mga kabayo at bangka para maghatid ng mga balota mula sa mga liblib na baryo tungo sa kabayanan. Ngayon, magtataka pa ba tayo kung ang mga balota ay dagliang mawawala sa kamay ng Comelec habang inihahatid sa mga tabulation centers? Sa mga baryo, maaari pa ring gamitin ng Comelec ang mga kariton upang ihatid ang mga balota. Ngunit silay nakalantad sa kapahamakang maaaring idulot ng ilang sekta, o di kayay madukot at ipatubos sa gobyerno ng Abu Sayyaf.
Canvasser: "Malakas ang loob ko na tutubusin ako ng gobyerno kung sakaling dukutin ako ng Abu Sayyaf, lalo na kung nasa kamay ko ang mga balotang maaaring makaapekto sa kahihinatnan ng halalan."
Watcher: "Wag kang pasisiguro. May mga nakahanda na kaming papalit sa yo kung sakaling mawala ka."
Abu Sayyaf: "Dudukutin namin ang pulitikong may taglay na mga pinakamasasamang kaso tulad ng pagpatay, pagmamalabis ng kapangyarihan, panghahalay, katiwalian, at iba pa. Kung hindi siya tutubusin ng pamahalaan, papalayain namin ang pulitiko."
Maraming paraan upang mandaya. Sa ilang lugar, mas marami pa ang bumoto kumpara sa aktuwal na nagrehistro. Pati ang mga patay ay tumalima sa panawagan ng gobyerno na bumoto. Bagaman, ang pagko-computerize ng halalan ay umubra sa ibang bansa, tila wala itong magiging silbi sa ating bansa dahil sa kakulangan ng telepono at mapagkukunan ng elektrisidad, lalo na kung ang mga tinaguriang political warlords ang siyang nagpapatakbo sa halalan. Kahit computerized na ang eleksyon, kailangan pa ring busisiin ang listahan ng mga botante sapagkat isa rin itong paraan upang dayain ang resulta.
Paano itutuwid ang sistema ng pulitika sa bansa. Ang kasagutan ay nasa balota. Ngunit kailangang makahanap tayo ng paraan upang pangalagaan at bantayan ang pagkasagrado ng balota.