Isang hapon ay may humaharurot na bisikletang nag-iisa na sakay ang batang taga-bayan. Kumalat ang alikabok at tumalsik ang nadadaanang mga maliliit na bato.
Para iwasan ang malaking butas sa kalsada, ang bisikleta ay gumawi sa tabi. Nadulas at bumaligtad ito sa kanal. Napasigaw ang mga batang nasa tabing kalsada.
Isang magsasaka at ang kanyang asawang babae ang tumulong sa bata. Ang bata ay may malaking sugat sa noo na dumadaloy ang dugo. Maputla sa takot at parang nahihilo.
Dahan-dahang iniahon ng mag-asawa ang bata at tinapalan ng panyo ang noo ng bata. Agad itong isinakay sa kalesa at dinala ng magsasaka sa klinika sa bayan.
Samantala, ang asawa ng magsasaka ay pinulot lahat ang bahagi ng sirang bisikleta at inilagay sa isang kahon. Nang mabalitaan kung saan nakatira ang bata ay pinuntahan at isinauli ang sirang bisikleta.
Nang gabing iyon galak na galak ang mag-asawa dahil sa mabuting nagawa nila sa batang naaksidente.
"Dapat bigyan tayo ng medalya," sambit ng mag-asawa sa isat isa.
Kinabukasan ay may biglang humintong kotse sa harap ng bahay ng mag-asawa. "Siguro magpapasalamat ang mga magulang," sabi ng magsasaka.
Lumapit ang isang babae sa kanila.
"Kayo ba ang nagdala ng sirang bisikleta?"
"Kami nga po."
"Ngayon, nasaan ang ilaw ng bisikleta? Kayo lang ang mag-iinteres at alam kong kayo ang nagnakaw."