Yumanig ang Pilipinas sa ipinasabog na bomba ni Singson na si President Erap ay tumatanggap sa kanya ng P10 milyon buwan-buwan galing sa jueteng. Nabigyan din niya ng pera sina First Lady Loi Ejercito, Mayor Jinggoy Estrada at iba pang malalapit kay Erap.
Kahindik-hindik ang ginawang ito ni Singson sapagkat higit pa sa magkapatid ang pagtuturingan nila ni Erap. Si Singson ay miyembro ng "Midnight Cabinet". Hindi nila akalain na si Singson mismo ang magdidikdik kay Erap at tinawag pang "the lord of all jueteng lords."
Painit nang painit ang isyung ito. Ito ang usap-usapan ng mamamayan at siyempre, ang mga kabig na nakikinabang kay Erap ay hindi na yata natutulog upang sugpuin ang pagkalat ng apoy sa pamamagitan ng pagsira sa kredibilidad ni Singson.
Nasaksihan ng sambayanang Pilipino ang ginawa ng mga kaalyadong kongresista ni Erap sa hindi natuloy na hearing ng Commitee on Public Order and Security kamakalawa. Hinadlangan nilang magsiwalat at magpresinta ng kanyang mga ebidensya si Singson.
Bakit ayaw nilang pagsalitain at magharap ng mga ebidensya si Singson? Takot ba silang mapatunayan ni Singson ang akusasyon nito kay Erap?
Dahil sa kapalpakang ito ng kampo ni Erap sa Kongreso, tumaas tuloy ang kredibilidad ni Singson. Ang nakararaming Pilipino ngayon ang naniniwala na totoo ang paratang ni Singson kay Erap. Makabubuti kay Erap kung pababayaang magharap ng kanyang ebidensya si Singson at sagutin niya nang maayos ang mga nasabing akusasyon. Kapag nangyari ito, talo si Erap.