Ang pagsisiwalat na ito ay nagpapahiwatig ng uri, layunin at patutunguhan ng pamahalaan. Nakalulungkot isipin na ang pamahalaan ay diumanong tumatanggap ng lagay mula sa ilegal na sugal taliwas sa kanyang sinasabing kampanya laban sa jueteng. Kayat ang pangyayaring ito ay maituturing na pagtanggap ng pamahalaan sa ibat ibang klase ng sugal sa bansa. Upang maituring itong legal, kailangan lamang ng basbas ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Anupaman ang magandang layunin ng pamahalaan sa operasyon ng mga legal na sugal ang moralidad pa rin nito ang isyu rito. Ang perang maaaring maipon dito ay galing pa rin sa perang pinaghirapan ng taumbayan. Sa huli, ang taumbayan pa rin ang talo rito.
Sa mga pangyayaring ito, muling nabibigyan ng dahilan ang kumpiyansa ng taumbayan sa pamahalaan. Ang integridad at kredibilidad ng pamahalaang itaguyod ang interes ng bayan at bansa ay muling nasa bingit. Maraming tanong ang bumabalot sa kaisipan ng taumbayan sa maaaring patunguhan ng bansa. Ano nga ba ang kahihinatnan ng bansa kung ang mga opisyales na nagpapatakbo nito ay marunong magkompromiso sa moralidad, interes at kapakanan ng mga mamamayan?