Bago iyan ang tungkol sa pakikiparte raw ni Presidential Adviser on Flagship Project Robert Aventajado sa ransom na ibinayad sa Abu Sayyaf ang sumingaw. At nauna pa riyan ang kotse naman ni Brother Andrew ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) ang umalingasaw.
Ang tatlong isyung iyan pinangunahan pa ng iba. Ang mga ito ang sumisira sa imahe hindi lang sa Pangulo kundi sa ating bayan. Bagay na nagiging dahilan na lalo tayong magkawatak-watak. Siraan tayo nang siraan, wala tayong ginawa kundi mag-away-away. Meron tayong dapat tandaan, kahit anong gawin hindi ma-iimpeach ang Pangulong Estrada. Hawak niya ang mayorya sa Kongreso at Senado. Ni wala pang one third ang oposisyon sa mababang kapulungan, at marami pa rito ay hindi tunay na oposisyon, ganoon din sa Senado.
Kaya ano ang mangyayari sa atin, sa walang tigil na away, sa walang tigil na batuhan ng putik, sa ating ugaling talangka na hihilahin kung sino ang nasa taas. Pinagtatawanan tayo ng buong mundo. Paborito tayong gawing entertainment ng foreign media. Kawawa tayo. Bumababa ang tingin nila sa atin. Niyuyurakan ang ating Inang Bayan.
Sa ating mga lider, sa administrasyon, oposisyon, kaliwa, Muslim at iba pa, kasama na ang aking mga kapatid sa media industry, ating tandaan, kahit anong gawin, andiyan ang Pangulong Estrada hanggang sa 2004. Ang kasiraan niya ay kasiraan ng bawat isa sa atin. Hindi lang ang pangalan niya ang nadudungisan, sambayanan ang magdurusa pag pumalpak ang administrasyon ng Pangulo.
Hindi lang titigil ang ating pag-unlad at lalampasan tayo ng buong mundo, aatras pa tayo, at tandaan natin, apat na taon na naman ang maaksaya. At pagkatapos ng Pangulo sa kanyang termino, uulitin uli sa papalit sa kanya. Kailan titigil. Tigilan na natin. Baka mahuli ang lahat.
Walang patutunguhan ang bayan at higit sa lahat, sino ang magdurusa, tayong lahat, lalo na ang ating mga anak at anak ng ating mga anak. Makiusap at manikluhod tayo sa bawat isa. Kalimutan muna natin ang alitan, magkaisa muna tayo, kahit sa sandaling panahon, isipin nating lagi, BAYAN MUNA bago mahuli ang lahat. KAWAWA NA TAYO.