Pagkalipas pa ng ilang buwan, natutong kumanta ng Pambansang Awit. Sumunod ay nagpakita ng pambihirang talino sa pagkuwenta. Talo pa nito ang mga mas matandang bata sa mababang paaralan sa nayon.
Dahil nakasasaulo siya ng mahabang mga tula gaya ng Florante at Laura ni Balagtas, madalas siyang panoorin na gaya sa perya. Gustong-gusto naman ng bata dahil siya ay bida. Pag mas marami ang tao, mas ganado ang bata na tumula. Dahil sa taglay na karunungan at ipinakitang gilas, marami ang nagreregalo ng lapis, papel, at laruan sa bata.
Isang tiyo nito na galing sa Saudi Arabia ang nagpasalubong nang lumalakad na manika at isang mapa ng mundo. Nang pinapili ang bata, ang kinuha ay ang mapa ng mundo. Ibinitin ang mapa sa dingding na malapit sa kanyang kama. Aliw na aliw ang bata sa ibat ibang kulay at mga pangalan ng mga bansa. Madali niyang naisaulo ang lahat ng bansa pati na ang mga siyudad. Naituturo rin niya kung nasaan sa mapa ang mga bansa at siyudad. Ang bata ay ayaw matulog na hindi nakikita ang lahat ng bansa sa mapa.
Isang gabi, walang ingay na pumasok ang ama sa kuwarto ng bata at lumapit sa mapa. Gusto niyang mabasa ang mga bansa na laging binabanggit ng anak.
Gising pala ang bata at bumulalas ng, Tatay, ano po ang ginagawa ninyo sa mundo ko?
Nabigla ang ama at lumabas. Ngunit ang tanong ng bata ay nanatili. Para siyang pinaparatangan ng anak. Ano ang ginagawa ninyo sa mundo ko?
Sabi ng ama sa sarili, Inabuso ko ang lupa. Pinutol ko ang mga puno at hindi ko pinalitan. Kaya tuloy nagbaha. Sinunog ko ang mga damo sa gubat at namatay ang pataba sa lupa. Sinira ko ang dagat sa paggamit ng dinamita sa pangingisda.
Hindi masabi ng ama sa anak, pero sa totoo lang, ito ang mga ginawa niya sa mundo ng bata.