MANILA, Philippines — Isang 32-anyos na babae ang dinakip ng Taguig City Police Warrant and Subpoena Section at Station Intelligence Section matapos na patakasin ang kanyang live in partner sa gitna ng operasyon sa Taguig City, nitong Linggo ng umaga.
Kinilala sa alyas Jesica, ng Barangay Hagonoy, Taguig City ang inarestong suspek dahil sa paglabag sa sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) at Obstruction of Justice na isasampa sa City Prosecutor’s Office ng Taguig City.
Nabatid na hawak ng Warrant and Subpoena Unit, kasama ang mga tauhan ng Intel Operatives at SWAT ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Mariam Guzon Bein ng RTC Branch 153, Taguig City at nagtungo sa bahay ng isang alyas Marvin, live-in partner ni Jesica.
Hinarang umano ni Jesica ang mga operatiba kaya nakatakas si “Marvin”, at nang makita sa kanilang bahay ang mga baril at bala ay kinumpiska kasabay ng pagbitbit na rin kay Jesica.
Nasamsam ang isang Bushmaster M16 5.56mm rifle; 10 5.56mm na bala; 2 magazine ng kalibre .45 na baril, tatlong bala ng kalibre .45 at isang rifle bag. Walang maipakitang anumang dokumento si Jesica para sa pag-iingat ng mga bala at baril.