MANILA, Philippines — Timbog ang isang obrero matapos na magwala at maglabas ng baril sa Sampaloc, Manila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Junril Martin, alyas Laklak, 35, at residente ng Sitio Maputi, Brgy. Doña Carmen, Tagbina, Surigao Del Sur.
Batay sa ulat ng Sampaloc Police Station 4 (PS-4) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-10:15 ng gabi nang maaresto ang suspek sa A.H. Lacson Avenue, malapit sa kanto ng Alley 3 St., sa Sampaloc.
Ayon sa pulisya, isang concerned citizen ang nagtungo sa kanilang tanggapan at nagsumbong hinggil sa ginagawang pagwawala ng suspek, na may bitbit pa umanong baril, sanhi upang matakot ang mga residente sa lugar.
Mabilis namang rumesponde ang mga pulis at kaagad na inaresto ang suspek, na nakumpiskahan ng isang kalibre .22 revolver na kargado ng apat na bala.
Nakapiit na ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013 (Unlawful Possession of Firearms and Ammunition).