Obrero, inginuso at pinapatay ng katrabaho

Dead-on-arrival sa Rosario Maclang Hospital ang biktimang si Julius Aydalla Peronce 29, residente.ng No. 28 Bayanihan St., Talanay A, Brgy. Batasan Hills, Quezon City
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang construction worker ang inginuso at pinapatay ng kanyang kasamahan sa trabaho kamakalawa ng umaga sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa Rosario Maclang Hospital ang biktimang si Julius Aydalla Peronce 29, residente.ng No. 28 Bayanihan St., Talanay A, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na si John Mark Amancio Manrique, 21, alyas Tornal at naninirahan sa No.22 Tarnate Street, Brgy. Batasan Hills, Quezon City habang pinaghahanap ang mismong bumaril sa biktima na si alyas Christian.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Angel Pascasio III ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang insidente dakong alas-7 ng umaga nitong Martes sa harap ng No.44 Bukal St. Barangay Batasan Hills, Quezon City.

Ayon sa salaysay ni Joan Barredo Tuban, live-in partner ng biktima, sinundo ng suspek na si Manrique si Peronce sa bahay.

Dala ng hinala, sinundan niya ang dalawa sa paglalakad hanggang sa makarating pinangyarihan ng krimen.

Dito niya nakita na sumenyas si Manrique at tila itinuturo si Peronce.

Makalipas ang ilang segundo lumitaw ang suspek na si alyas Christian at paulit-ulit na pinagbabaril ang biktima.

Matapos ito ay magkasamang tumakas sina Manrique at alyas Christian dala ang ginamit na baril.

Sa follow-up operation, naaresto si Manrique habang itinatago naman umano ni Jomari Pilapilan si alyas Christian na kanyang bayaw.

Nahaharap sa kasong murder si Manrique habang obstruction of justice naman kay Pilapilan.

Show comments