3 preso sa Bilibid inilagak sa disciplinary cell

MANILA, Philippines - Tatlong preso ang sumasailalim ngayon sa disciplinary cell matapos silang masangkot sa pananaksak na ikinasawi at ikinasugat ng  dalawang inmates noong Lunes ng umaga sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City.

Sina  Enrico De Asis;  Nelson Enrico at Stephen Benitez ay pawang isinailalim na sa disciplinary cell ng pamunuan ng NBP.

Sinabi ni NBP Supt. Fajardo Lansangan,  nabatid na ang presong  si  Enrico, miyembro ng Batang City Jail (BCJ) ay isinurender ng lider at ng kanyang kagrupo kamakalawa ng gabi matapos nitong patayin sa saksak ang isa pang preso na si  George Almo, 38, miyembro naman ng ‘Sigue-Sigue Sputnik Gang’ at may kasong murder habang patungo ito sa chapel ng NBP noong Lunes ng umaga.

Ayon sa NPB, paghihiganti ang pangunahing motibong kanilang iniimbestigahan dahil bago pinatay sa saksak si Almo ni Enrico, nabatid na pinagsasaksak ng isang improvised icepick naman ng miyembro ng ‘Sputnik Gang’ na si  De Asis ang taga-BCJ na si Nolfi Ladiao habang naglalaro sa court  ng maximum security compound ng naturang piitan.

Sinabi pa  ni Lansangan, Linggo pa lang ng hapon nang nakaaway ni De Asis  ang isang miyembro ng BCJ na si Stephen Benitez , alyas Joko  at nagkaroon ng pagtatalo. Posibleng rumesbak si De Asis at napagbuntunan ang ibang miyembro ng nakalabang gang.

Base pa rin sa report, nasa mabuti ng kalagayan ang presong si Ladiao. 

Sina De Asis, Benitez at  Enrico ay inilagay  na sa disciplinary cell.

Para matigil ang gulo at serye ng gantihan,  kinausap at pinagkasundo naman ng mga opisyal ng NBP ang mga miyembro ng dalawang gang.

Show comments